8-anyos Fil-Am todas sa mass shooting sa Stockton, California
MANILA, Philippines — Isang 8-taong gulang na Filipino-American ang kabilang sa mga nasawi sa mass shooting, sa isang birthday party sa Stockton, California, noong Nobyembre 29 ng gabi.
Ayon sa mga international news, naganap ang insidente habang hinihiwa na ang cake para sa kaarawan ng 2-taong gulang na bata, kung saan nakarinig ng malalakas na putok.
Kinumpirma ng mga awtoridad na tatlo, kabilang ang Fil-Am na si Journey Rose Guerrero sa mga batang nasawi at isa ang nasa hustong gulang habang 17 ang nasugatan, mula sa 100 kataong dumalo. Pinaniniwalaan din na sadyang pag-atake ang naganap at posibleng hindi lang iisa ang may kagagawan ng pamamaril.
Sa kabila ng alok na reward money, wala pa umanong natutukoy na mga suspek, at patuloy pa ang pangangalap ng impormasyon ng Sacramento Field Office at San Joaquin County Sheriff’s Office, ayon sa pahayag sa social media ng Federal Bureau of Investigation (FBI).
Sinisilip din ng San Joaquin County officials ang kakulangan umano ng permit ng banquet hall bilang venue sa party.
- Latest
















