Ordinansa para labanan ang cervical cancer sa Quezon City aprub na
MANILA, Philippines — Inaprubahan na ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang batas na nilikha ni 5th District Councilor Alfred Vargas na naglalayong protektahan ang mga kababaihan laban sa cervical cancer.
Ang SP-3361, S-2024 na kilala bilang Quezon City Cervical Cancer Elimination Ordinance ay naging ganap na batas noong November 25, 2024 at inaprubahan ni Mayor Belmonte noong January 16, 2025.
Sa datos ng Department of Health (DOH) mahigit sa 6,000 kaso ng cervical cancer ang naitatala kada taon at 12 kada araw naman ang namamatay.
Sa ngayon, ang cervical cancer ay nanatiling isang kritikal na hamon sa kalusugan ng mga kababaihan, pumapangalawa ito sa pinakamataas na uri ng cancer ng mga kababaihang Pilipino na may edad na 15 hanggang 44.
Nakakalungkot aniyang isipin na maraming namamatay dahil sa cervical cancer gayong madali sana itong maiiwasan kung maagapan.
Tiwala si Vargas na magiging epektibo ang bagong ordinasa para maisulong ang layunin na walang babae sa Quezon City ang magdurusa dahil sa cervical cancer.
- Latest















