Piyansa ng suspek sa Batocabe slay case, pinawalang bisa ng CA
MANILA, Philippines — Pinawalang bisa ng Court of Appeals (CA) ang dalawang kautusan ng isang mababang korte sa Legazpi City na nagpapahintulot na makapagpiyansa ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe.
Batay sa 10-pahinang desisyon ng CA 12th Division, nagkaroon umano ng grave abuse of discretion sa panig ni Legazpi City Regional Trial Court (RTC) Judge Maria Theresa San Juan-Loquillano nang pahintulutan niyang makapagpiyansa si Carlwyn Baldo, ang itinuturong pumaslang kay Batocabe sa kabila ng mga iprinisintang ebidensiya at testigo ng prosekusyon laban sa kanya.
Sa desisyon ng Appellate Court na may petsang Marso 1, 2023, inatasan rin nito ang mababang hukuman na resolbahin ang petition for bail at ikonsidera ang lahat ng mga iprinisintang ebidensiya sa naturang bail hearing ni Baldo.
Sinabi pa ng CA na nagkamali ang mababang hukuman nang ipag-utos na ang ikonsidera lamang ay ang testimonya ng dalawa sa limang testigo na iprinisinta ng prosekusyon, at balewalain ang testimonya ng tatlong iba pa.
“Based on the foregoing discussion, We find that the trial court committed grave abuse of discretion by granting Baldo’s Petition for Bail without fully considering all of the prosecution’s evidence in the assailed Orders. Therefore, the assailed Orders are deemed null and void,” nakasaad pa sa desisyon ng Appellate Court.
Ikinatuwa naman ng pamilya Batocabe ang desisyon ng CA at sinabing ito’y malaking hakbang sa paghanap nila ng hustisya para sa pinaslang na mambabatas.
Matatandaang si Batocabe at ang security aide na si SPO2 Orlando Diaz ay napatay nang tambangan habang papalabas ng Burgos Elementary School sa Daraga, Albay matapos mamigay ng regalo sa mga residente ng bayan noong Disyembre 2018.
Kinasuhan si Baldo ng double murder at six counts ng frustrated murder pero pinayagan na makapagpiyansa ng P8.72 milyong halaga ng surety bond na kinabibilangan ng mga titulo ng lupa.
- Latest