SC ipinaubaya sa Makati RTC ang desisyon sa Trillanes amnesty
MANILA, Philippines — Bigong makakuha ng temporary restraining order (TRO) sa Supreme Court (SC) ang kampo ni Senador Antonio Trillanes IV kaugnay sa petisyon niya laban sa Proclamation 572 na nagpapawalangbisa sa kaniyang amnestiya.
Inanunsiyo kahapon ng tagapagsalita ng SC na si Ma. Victoria Guerra ang desisyon ng en banc na tanggihan ang hiling ni Trillanes na TRO sa kadahilanang hindi umano sakop ng korte ang pagiging “trier of facts.”
“Only a trial court, and in certain cases, the Court of Appeals, are trier of facts. Hence, it is appropriate that the Makati RTCs (regional trial courts) should be given leeway in exercising their concurrent jurisdiction,” ayon sa bahagi ng pahayag ng SC.
Sa halip na TRO, binigyan ng SC ang mga respondent ng 10 araw na sumagot sa hirit ng senador.
Pinangalanang respondent sa petisyon sina Executive Secretary Salvador Medialdea, Defense Secretary Delfin Lorenzana, Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, Justice Secretary Menardo Guevarra, Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Carlito Galvez Jr at PNP Chief Director General Oscar Albayalde.
Kasalukuyang nakabinbin sa dalawang RTC ng Makati ang mga mosyon ng DOJ para sa paglalabas ng warrant of arrest at hold departure order kay Trillanes.
Pinanghahawakan din umano ng SC ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi nito ikukulong si Trillanes hangga’t walang warrant mula sa anumang mababang korte.
“The Court takes judicial notice of the categorical pronouncement of President Duterte that Senator Trillanes will not be apprehended, detained, or taken into custody unless a warrant of arrest has been issued...[Thus] there is no extreme or urgent necessity for the Court to issue an injunctive relief,” ayon sa pahayag ng Korte Suprema.
Naniniwala ang SC na hindi kailangan ang agarang paglalabas ng TRO dahil tinitignan pa rin nila ang karapatan ni Trillanes.
Tanging ang Makati RTC lamang ang maaaring magdesisyon kung sumunod at nagsumite si Trillanes ng mga requirements para makakuha ng amnesty.
Ang Makati RTC Branch 148 ang may hawak ng kasong coup d’etat case laban kay Trillanes at iba pang miyembro ng Magdalo soldiers sa naganap na 2003 Oakwood mutiny habang Makati RTC Branch 150 naman ang may hawak sa rebellion case sa 2007 Manila Peninsula siege.
Setyembre 4 nang naisapubliko ang proklamasyon na layong buhayin muli ang mga kasong hinarap noon ni Trillanes kaugnay ng 2003 Oakwood mutiny at 2007 Manila Peninsula incident.
Simula noon ay hindi na lumisan sa Senado si Trillanes sa harap nang bantang maaaresto anumang oras.
- Latest