3 teams agawan sa huling quarterfinals spot
MANILA, Philippines — Agawan huling quarterfinals spot ang tatlong koponan para sa huling tiket sa Group B ng PBA Season 50 Governors’ Cup ngayon sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Isa lang mula sa Barangay Ginebra (4-5), Meralco (4-6) at Blackwater (3-6) ang makakakapasok sa crossover quarterfinals mula sa Group B tampok ang Magnolia (6-3), Rain or Shine (5-4) at Phoenix (5-4) bilang sigurado nang mga koponan.
Subalit sa natitirang 3 pambato ay Ginebra lang ang may hawak ng sarili nitong kapalaran na tangka nilang lubusin kontra sa Blackwater sa alas-7:30 ng gabi pagkatapos ng puwestuhan ng Rain or Shine at Phoenix sa alas-5:15 ng hapon.
Kailangan lang ng Gin Kings na manalo upang masikwat ang No. 4 seed at makaiwas sa anumang kumplikasyon na pabor pa rin sa kanila basta’t hindi matatambakan.
Sa ngayon ay milya ang layo ng Ginebra na may +30 kung sakali mang mauwi sa triple-tie sa 4-6 kasalo ang Meralco (+7) at Blackwater (-37).
Masisilat lang ang Ginebra sa Meralco kung mababardagul ito ng Blackwater ng higit sa 37 puntos.
Pinakamaliit ang tsansa ng Blackwater na kailangang maboldyak ang Ginebra ng 45 puntos o higit pa upang maagaw ang No. 4 seed mula na rin sa Meralco.
Pabor ang lahat ng baraha sa mga bataan ni coach Tim Cone na kinaldag ang Bossing, 115-85, sa una nilang paghaharap tampok ang dating import na si Riley Grigsby.
May bagong reinforcement ngayon ang Gin Kings sa katauhan ni Jordan Murphy kontra kay Kentrell Berkley ng Bossing.
Kung maseselyuhan ang No. 4 spot sa Group B, makakaharap ng Ginebra ang No.1 seed ng Group A na NLEX sa best-of-five quarterfinals.
- Latest

















