Rain or Shine may pakay sa Terrafirma

MANILA, Philippines — Hindi magpapahuli ang Rain or Shine sa karera ng mga dikdikang koponan para sa asam na Top 4 finish kontra sa sibak ng Terrafirma sa pagpapatuloy ng 2025 PBA Philippine Cup ngayon sa PhilSports Arena sa Pasig.
Makikipagbuno ang Elasto Painters sa kulelat at tanggal na sa kontensyon subalit palaban pa ring Dyip sa alas-5 ng hapon bago ang laban ng Phoenix at NorthPort sa alas-7:30 ng gabi.
Tulad ng Terrafirma (1-8) ay laglag na rin sa playoffs ang Fuel Masters (2-7) at Batang Pier (1-7) kaya RoS nalang ang may bearing game sa hawak na 5-3 kartada.
Nasa ika-6 na puwesto ngayon ang RoS at kung magwawagi ay makakasalo ang Ginebra sa No. 4 na asinta ng lahat ng natitirang koponan para sa twice-to-beat advantage sa quarterfinals.
Kontra sa Dyip, nagbabala si head coach Yeng Guiao na hindi pa rin ito magiging madali.
“Bilin ko sa team it’s always dangerous playing a team na walang pressure. They might be trying to have a good account of themselves before they bow out so it’s always dangerous,” ani Guiao matapos ang krusyal na 109-99 panalo kontra sa Phoenix.
“Any time you step on a basketball court with another team you always have a chance of losing. Minsan maliit lang iyung chance pero nangyayari pa rin. We have to be careful of that.”
Ito ay sa gitna ng matikas na tindig ng Dyip kontra sa Converge FiberXers na nilamangan pa nila ng hanggang 18 puntos bago kapusin sa 117-103 pagkatalo.
Iindahin ng Elasto Painters ang season-ending wrist fracture injury ng gwardiyang si Felix Pangilinan-Lemetti subalit may masasandalan pa ring solidong core sa pangunguna nina Santi Santillan, Adrian Nocum, Jhonard Clarito, Keith Datu, Caelan Tiongson, Gabe Norwood, Gian Mamuyac, Andrei Caracut at Anton Asistio.
- Latest
















