Eala pahinga muna

MANILA, Philippines — Pahinga muna si Alex Eala bago muling simulan ang kampanya nito sa hard court season.
May tatlong linggo ang Pinay netter para makarekober matapos ang pukpukang kampanya nito sa grass season.
Huling nasilayan sa aksyon si Eala sa Wimbledon Championships sa London, England kung saan nakaabot ito sa fourth round.
Ngunit bigo si Eala na umusad nang lumasap ito ng dikdikang 4-6, 6-4, 3-6 kabiguan sa kamay ni 2024 Wimbledon runner-up Jasmine Paolini ng Italy.
Nauna nang pinataob ni Eala si reigning Wimbledon champion Iga Swiatek sa third round.
Tinalo rin ni Eala sina Renata Zarazua ng Mexico sa opening round at Maya Joint ng Australia sa second round.
Sasamantalahin ni Eala ang mahabang panahon para makarekober ang katawan nito.
Sunod na sasabak si Eala sa Mubadala DC Open sa Washington DC na aarangkada sa Hulyo 27 hanggang Agosto 2 para simulan ang hard court season.
Ang Mubadala DC Open ay isang WTA 500 event kung saan kumpirmado ang paglahok nina Iva Jovic, Elina Svitolina, Marta Kostyuk at Naomi Osaka.
Matapos nito, sunud-sunod na naman ang torneong lalahukan ni Eala.
Kabilang na rito ang National Bank Open sa Toronto, Canada na papalo mula Agosto 1 hanggang 13.
Bahagi ito ng paghahanda ni Eala para sa prestihiyosong US Open na gaganapin sa Agosto 23 hanggang Setyembre 12 sa USTA Billie Jean King National Tennis Center sa New York.
Ito ang ikalawang sunod na taon na masisilayan si Eala sa main draw ng US Open.
Target ni Eala na malampasan ang kanyang kampanya noong nakaraang taon sa US Open.
Matatandang nakaabot si Eala sa second round ng 2025 US Open matapos talunin si Clara Tausin ng Denmark sa iskor na 6-3, 2-6, 7-5 sa first round.
Subalit yumuko ito sa second round laban kay Cristina Bucsa ng Spain, 4-6, 3-6.
- Latest




















