SALT LAKE CITY — Humakot si Luka Doncic ng triple-double na 29 points, 13 assists at 12 rebounds para sa 115-105 panalo ng Dallas Mavericks sa Utah Jazz.
Umiskor si Kyrie Irving ng 27 points para sa ikaapat na sunod na ratsada ng Dallas (42-29).
Nag-ambag si P.J. Washington ng 16 points, habang tumipa si Daniel Gafford ng 13 points at 10 rebounds.
Kumonekta si Lauri Markkanen ng anim na 3-pointers at tumapos na may 34 points sa panig ng Utah (29-43) na nakahugot kay John Collins ng 21 points at 11 rebounds.
Matapos ang triple ni Collin Sexton, naglista ng 20 markers, para sa 94-93 abante ng Jazz sa 10:02 minuto ng fourth period ay isang 16-2 atake ang ginawa ng Mavericks para agawin ang kalamangan at ang panalo.
Sa Denver, kumadena si Nikola Jokic ng 29 points, 11 rebounds at 8 assists sa 128-103 paggupo ng nagdedepensang Nuggets (51-21) sa Memphis Grizzlies (24-48).
Patuloy ang ratsada ng Denver sa West bagama’t hindi naglaro sina injured guard Jamal Murray (left ankle sprain) at forward Aaron Gordon (fascia strain).
Nagdagdag si Reggie Jackson ng 15 points at 8 assists, samantalang may 10 markers at 10 boards si Watson mula sa bench.
Pinamunuan ni Lamar Stevens ang Memphis sa kanyang season high 19 points at may 17 markers si Scotty Pippen Jr.
Sa Los Angeles, kumamada si Pascal Siakam ng 31 points sa 133-116 dominasyon ng Indiana Pacers (41-32) sa Clippers (44-27).
Sa Houston, naglista si Fil-American guard Jalen Green ng 27 points sa 110-92 pagpapasabog ng Rockets (36-35) sa Portland Trail Blazers (19-53).
Sa Sacramento, ipinoste ni Domantas Sabonis ang kanyang NBA-leading 25th triple-double sa season sa tinapos na 11 points, 13 rebounds at 10 assists sa 108-96 panalo ng Kings (42-29) sa Philadelphia 76ers (39-33).
Sa Chicago, bumanat si Jordan Poole ng 23 points para ihatid ang Washington Wizards (14-58) sa kanilang season-high na tatlong sunod na panalo mula sa 107-105 paglusot sa Bulls (34-38).