Phoenix inawat ang Terrafirma
MANILA, Philippines — Diniskaril ng Phoenix ang mainit na kampanya ng Terrafirma matapos hatakin ang 96-84 panalo sa 2021 PBA Philippine Cup kahapon sa DHVSU Gym sa Bacolor, Pampanga.
Humakot si forward Jason Perkins ng season-high 28 points para sa 3-5 record ng Fuel Masters kasosyo ang Dyip sa pang-walong silya sa team standings.
Nauna nang ginulantang ng Terrafirma ang San Miguel at nagdedepensang Barangay Ginebra at dinaig ang kulelat na Blackwater.
“Reality sets that they beat San Miguel, they beat Ginebra, they beat Blackwater,” sabi ni Phoenix coach Topex Robinson. “That means they are really here on a mission. We just respected the team.”
Nagdagdag si Vic Manuel ng 18 markers at may 15 points si Matthew Wright para sa Fuel Masters na kumawala sa fourth quarter mula sa five-point lead sa third period.
Binanderahan ni Aldrech Ramos ang Dyip sa kanyang 13 points, habang nalimitahan si Juami Tiongson sa 8 markers matapos humataw ng average na 29 points per game laban sa Beermen at Gin Kings.
Matapos makadikit ang Terrafirma sa 64-69 agwat mula sa 13-point deficit sa third period ay isang 15-3 atake ang pinamunuan ni Manuel sa pagbubukas ng fourth quarter para ilayo ang Phoenix sa 84-67.
Samantala, inamin ni NorthPort coach Pido Jarencio na nagpositibo siya sa coronavirus disease (COVID-19) at kasalukuyan pang naka-quarantine. Tinamaan si Jarencio ng COVID-19 kahit fully-vaccinated ngunit mild lang ang mga sintomas niya
Habang sinusulat ang balitang ito, naglalaro pa ang Northport (1-3) at ang kulelat na Blackwater na wala pang panalo sa 7-laro.
- Latest