Turkey sinilat ang Australia
BARCELONA, Spain – Ipinukol ni Turkey forward Emir Preldzic ang kanyang ikalawang last-minute 3-pointers, 5 segundo na lang ang natitira sa laro upang silatin ang Australia 65-64 sa Basketball World Cup nitong Linggo para sumulong sa quarterfinals.
Haharapin ng Turkey ang Lithuania nitong Martes sa Palau Sant Jordi matapos umiskor si Jonas Valanciunas ng walo sa kanyang 22 points sa fourth quarter nang kumapit ang Lithuania upang igupo ang New Zealand, 76-71.
Sa Madrid, umiskor si Neto ng 21 points nang humataw ang Brazil sa second half upang ilampaso ang Argentina 85-65 sa lopsided na laban ng South American rivals.
Haharapin ng Serbia ang Brazil sa Miyerkules matapos pumukol si guard Bogdan Bogdanovic ng apat na tres para sa kabuuang 21 points at sibakin ang Greece, 90-72.
Nagdagdag si Marquinhos Vieira ng 13 points para sa Brazil habang nagtala sina Splitter at Barbosa ng tig-10 puntos.
Tumapos naman sina Preldzic at guard Sinan Guler ng tig-16 points para pangunahan ang Turkey.
“We found Preldzic and Preldzic found incredible shots,” sabi ni Turkey coach Ergin Ataman. “Of course that last shot was lucky for us. Sorry to Australia. Today I think they played better than us, but basketball is like this.”
Nilimitahan naman ng tatlong NBA centers ng Brazil na sina Varejao, Nene at Tiago Splitter si Luis Scola ng Argentina sa nine points.
Nagsumite naman si Milwaukee Bucks center Miroslav Raduljica ng 16 points para sa Serbia habang may 13 si Milos Teodosic. Nagposte si guard Nick Calathes ng 14 points para sa Greece.
Sa iba pang quarterfinal matches, haharapin ng United States ang Slovenia sa Barcelona nitong Martes at sasagupain naman ng Spain ang karibal na France sa Madrid nitong Miyerkules.
- Latest