MABILIS na inilabas ni Kristina ang susi sa kanyang bulsa at ipinakita kay Andres. “Nasa akin ang mga susi ng hacienda, Andres... ibinigay ito sa akin ni Ernesto bago siya umalis. Maaari ka nang makatakas ngayong gabi.”
Ngunit sa halip na matuwa, dahan-dahang umiling si Andres at itinuro ang kanyang binti. Naroroon ang mabigat at kalawanging kadena na may sariling kakaibang susian.
“Tanging si Mang Teban lang ang may hawak ng susi sa kadenang ito, Kristina...” paos na sabi ni Andres. “Kahit mabuksan mo ang pinto ng bodega, hindi ako makakatakbo nang may kaladkad na bakal.”
Napabuntong hininga si Kristina sa kawalan ng pag-asa, ngunit mas lalong nadurog ang kanyang puso nang hawakan ng lalaki ang kanyang mga kamay at may ipinagtapat ito.
“At isa pa... hindi ako puwedeng umalis nang basta-basta,” sabing nanginginig ang boses sa takot. “Naroon sa mansiyon ang aking inay.”
Natigilan si Kristina. “Nasa mansiyon ang iyong ina?”
Tumango si Andres. “Si Pacita... Aling Pacing ang tawag sa kanya ng mga tao doon. Isa siya sa mga labandera ng mga Valderrama. Walang kaalam-alam si Inay na nakakulong ako rito. Ang akala niya’y nagpunta ako sa ibang bayan para magtrabaho. Kapag nalaman ng donya na nakatakas ako, malamang si Inay ang pagbubuntunan niya ng galit.”
Tila tumigil ang ikot ng mundo ni Kristina. Si Aling Pacing, ang kasambahay na tanging mabait at magiliw sa kanya noong unang araw niya rito. Ito pa nga ang nagbigay sa kanya ng mga magagandang bestida dahil damit pangkasal lang ang dala niya noon sa mansiyon.
“Kailan ba nagsimulang manilbihan ang inay mo rito sa hacienda?”
“Kuwento ni inay, disiotso pa lang siya ay labandera na siya rito.”
Biglang umukit ang isang nakakakilabot na palaisipan sa isip ni Kristina habang nakatitig sa mukha ng lalaking nasa kanyang harapan. Bakit ang anak ng isang labandera sa mansiyon ay may mukhang kaparehung-kapareho ng tagapagmana na si Emilio?
“Kung ganun, hindi tayo tatakas ngayong gabi,” determinadong sabi ni Kristina. “Gagamitin natin ang mga natitirang gabi para maghanda. Magpupuslit ako ng mga pagkain para lumakas ka at ng mga gamit para matanggal ang kadena mo...”
(Itutuloy)