Kaibigan (37)

“Siyanga pala, Dex, ano nangyari sa holdaper na sumaksak sa akin?’’ tanong ni King. ‘‘Ang natatandaan ko lang matapos akong saksakin, bumaba ng dyip. Tapos may narinig akong wangwang ng pulis­. Hanggang dun lang at nag­dilim na ang paningin ko.’’

“Napatay ang holdaper­. Eksakto kasi na may nagpa­patrol na mga pulis sa Legarda. Ayon sa nakausap ko, nakita ng mga pulis ang kahina-hinalang pagtalon ng lalaki sa dyip. Pinatitigil pero ayaw kaya binaril. Patay agad.’’

‘‘Kabataan pa ang holdaper na iyon. E ang cell phone ko nakuha ba sa holdaper. Pilit kasing inagaw sa akin.’’

“Akala ko hindi mo binigay kaya nagalit.’’

“Nakuha niya sa akin ang cell phone, Dex.’’

‘‘Ganun ba? Wala naman akong nakita crime scene.’’

‘‘Baka may nakapulot nang iba.’’

‘‘Hayaan mo na ‘yun. Bili na lang uli tayo ng bago. Hindi rin maganda na mag-ingat ka ng isang bagay na nabahiran ng dugo.’’

‘‘Sabagay nga.’’

‘‘Ibibili na lang kita ng bago.’’

‘‘Dami mong pera Dex. Dati ako ang maraming pera pero ngayon, ikaw na, ha-ha-ha!’’

“Hindi naman gaanong marami. Tama lang ha-ha-ha!’’

‘‘Sana dumami pa ang pera mo. Ang mga katulad mong mababait at tapat na kaibigan ang pinagpapala ng Diyos.’’

‘‘Salamat, King. Sige magpahinga ka at uuwi muna ako. Bahala na si Lara sa iyo.’’

Makalipas ang dalawang linggo sa ospital, pinalabas na si King. Sa bahay na lamang magpapagaling.

‘‘Sa wakas, makakauwi rin,’’ sabi ni King.

‘‘Magpapahinga ka pa rin daw sabi ng doktor. Hindi pa  puwede ang mabigat na gawain,’’ sabi ni Dex.

Si Lara ay tahimik lang. Mula nang masaksak si King, naging kapuna-puna ang pagiging tahimik ni Lara. Mas matindi ang pananahimik. (Itutuloy)

Show comments