Huling Eba sa Paraiso (51)
NANG marinig ni Drew ang boses ni Lola Ela na pinaaakyat siya, umakyat na siya apat na baitang na hagdan. Lumangitngit ang hagdang kawayan nang tapakan niya.
Pagkaakyat, hinanap niya si Lola Ela.
‘‘Nasaan ka po Lola?’’ tanong niya.
“Narito ako sa kusina, Drew,’’ sagot ng matanda.
Humakbang si Drew patungong kusina. Lumangitngit ang sahig na kawayan.
Nakita niya si Lola na nakalupagi sa sahig at naghihimay ng sitaw. Maraming buto ng sitaw ang nakita niyang nahimay na ng matanda.
“Ano pong gagawin mo sa mga buto ng sitaw, Lola?’’
“Gugulayin ko. Gagataan. Ito ang ulam ko sa tanghalian.’’
“Masarap po ba ang ginataang sitaw?’’
‘‘Oo. Dito ka na kumain. Kaya lang baka hindi ka kumakain nito. Pagkain ng mahirap ito.’’
“Kumakain naman po. Salamat po sa paanyaya.’’
“Meron kasi na ayaw kumain ng ginataang sitaw.’’
Nagtawa lang si Drew.
“Kumusta po Lola?’’
“Mabuti naman. Ikaw kumusta ka naman, Drew. Akala ko hindi ka na pupunta rito.’’
“Di ba sabi ko po babalik ako.’’
“Salamat naman Drew at nagbalik ka.’’
“Kumusta nanan po ang apo mo na si Marianne?’’
‘‘Mabuti naman. Kaaalis lang niya. Siguro mga 20 minutos lang siya nakakaalis nang dumating ka.’’
‘‘Nakita ko po nang umalis siya, Lola. Talaga pong pinaalis ko muna siya bago ako nagpunta rito. Magdedeliber po siya ng pa ko sa bayan ano po?’’
“Oo. Sa restaurant ng Intsik niya dinadala ang mga pako. Mas inagahan niya ang pag-alis ngayon dahil utos daw ng Intsik.’’
“Bakit daw po?’’
“Hindi sinabi. Kailangan daw bago mag-alas nuwebe naroon na siya sa bahay ng Intsik’’
Nag-isip si Drew sa sinabi ni Lola. Bakit kaya pinapupunta nang maaga?
‘‘Lola, hindi mo po ba sinabi kay Marianne ang tungkol sa pagbibigay ko ng tulong sa iyo.’’
“Hindi. Ililihim ko ayon sa sabi mo sa akin.’’
‘‘Salamat po.’’ (Itutuloy)
- Latest




















