Huli eba sa paraiso (17)

Nakita ni Drew na sa halip dumeretso ang babae sa tubig, sa pampang ito tumigil. Ibinaba ang mga dala-dalahan. Inilatag ang isang sako sa damuhan. At pagkatapos ay nanalbos ng pako. Mabilis ang pananalbos ng babae na halatang sanay na sanay sa gawaing iyon. Lahat nang natatalbos niya ay inilalagay sa nakalatag na sako. Mabilis na nakaipon ng talbos ng pako ang babae. Nakabunton agad ng pako sa ilang minutong pananalbos.

Dumako pa sa dakong ibaba ang babae. Mukhang ang pakay nito sa pagtungo sa sapa ay ang pananalbos ng pako at hindi paliligo. Mukhang maraming pako ang kukunin ng babae. Hindi panggulay lamang ang kinukuhang pako ng babae. Sobrang dami na!

Saka biglang naalala ni Drew na bukas ay Miyerkules. At ang tiyangge sa bayan ay tuwing Miyerkules. Nang magtungo sila sa bayan noon ay tiyangge at doon niya nakita ang babaing vendor na hawig sa babaing nananalbos ng pako ngayon. Kahit pa may face mask ang babaing vendor, malaki ang pagkakahawig sa babaing ito.

Ang vendor kaya at ang babaing ito ay iisa?

Pero sabi naman ni Tikoy sa kanya, hindi raw. Mukhang pangit daw ang vendor at ngamol kung magsalita.

Pero duda siya. Malaki ang paniwala niya na ang vendor ay ang babaing ito.

Muli niyang pinagmasdan ang babae na abala pa rin sa pananalbos ng pako. Sa dami ng pako, malaki ang posibilidad na ititinda ito. Pero naisip naman niya, bakit walang tindang pako ang vendor nun. Ayon kay Tikoy, walang tindang pako ang babae. O baka naman, naubos na. Nabenta na lahat. O baka mayroong restaurant na pinagsusuplayan ang babae kaya sobrang dami ng pako.

Hanggang makita ni Drew na tumigil na sa pananalbos ang babae. Binalot nito nang maayos ang mga talbos ng pako sa sako at saka tinalian. Isang mala­king balumbon.

Naghihintay si Drew ng mga susunod na gagawin ng babae.

Parang nag-iisip ang babae.

Tumingin sa langit.

Iniisip yata kung maliligo o hindi.

Hindi humihinga si Drew.

Sana maligo ang babae!

(Itutuloy)

Show comments