Monay (196)

PAUWI na sila. Ihahatid na ni Joem si Monay sa tinutuluyan nitong hotel. Habang nagda-drive ay pasulyap-sulyap sa kanya si Monay. Nahalat ni Joem.

“Bakit mo ako tinitingnan, Monay?’’

“Masama bang tingnan ang lalaking mahal ko?’’

“Hindi naman. Pero naiilang ako.’’

‘‘Ano naman ang nakakailang dun?’’

“Basta.’’

‘‘Sige hindi na kita titingnan kahit kailan?’’

Napahalakhak si Joem.

Maya-maya nagsalita si Monay.

‘‘Natatandaan mo nung high school tayo, binigyan kita ng rosaryo. Nasaan na iyon?’’

Nag-isip si Joem. Hanggang maaalala.

“Nakatago. Nasa lumang aparador. Kasama ng mga damit ni mama.’’

‘‘Mabuti naman at hindi mo naitapon.’’

“Hindi. Iningatan ko.’’

“Salamat naman.’’

‘‘Bukas ng umaga, daanan uli kita.’’

‘‘Bakit?’’

‘‘Isasama kita sa opis ko. Ipakikilala kita sa mga friend ko.’’

‘‘Ah okey. Anong time mo ako dadaanan?’’

“Eight.’’

Kinabukasan, isinama ni Joem si Monay sa opisina. Ipinakilala niya kay Mark.

‘‘Monay siya si Mark ang matalik kong kaibigan. Manedyer siya rito.’’

Nagkamay sina Mark at Monay.

“Lagi kang ikinukuwento sa akin ni Joem, Monay. Kasama ka lagi sa kuwento niya.’’

“Talaga? Hindi niya kasi makalimutan ang ibinigay kong monay nun, ha-ha-ha!’’

Nagkatawanan sila.

Ipinakilala rin ni Joem si Monay sa iba pang opisyal ng kompanya.

Masayang-masaya si Monay. Ngayon niya lubos na nadarama na mahal na mahal siya ni Joem. Ipinagmamalaki siya.

(Itutuloy)

Show comments