Monay (13)

GULAT na gulat ang kan­yang Tito Nilo nang makita siya. Matagal na silang hindi nagkikita. Da­la­wang taon na siguro. Na­­tatandaan niya, Pasko nang huli siyang magpunta rito.

“Joem! Naligaw ka ya­tang lintik ka. Ang tangkad mo na ah. At guwapo. Ha­lika, pasok! Mabuti at inabot mo ako. Papasok na ako eh.’’

Pumasok si Joem. Nakita niya ang mga anak ni Tito Nilo na nakatingin at pawang nakangiti sa kanya. Tatlong lalaki at dalawang babae ang anak ni Tito Nilo.

“Tito, dito raw muna ako sabi ni Mama. Puwede po ba?’’ sabi ni Joem na nahihiya. Nanatili siyang nakatayo.

‘‘Oo naman. Bakit naman hindi. Maupo ka muna.’’

Naupo si Joem sa plastic na silya.

‘‘May problema siguro ano, Joem?’’

“Meron po Tito – nag-away po kami ng asawa ni Mama – ni Mauro.’’

Napatango na lang si Tito Nilo at saka napangiti na may pakla. Nang magsalita ay may himig paninisi.

“Noon pa masama na ang kutob ko sa taong ‘yun. Kung bakit kasi itong mama mo e atat na atat. Sa hilatsa ng pagmumukha e hindi ga­gawa ng mabuti.’’

“Lagi pong sinasaktan si Mama, Tito. Hindi ko naman po matiis na sinasaktan niya ang mama ko kaya nilalabanan ko.’’

“Siyempre, nanay mo ang sinasaktan. Natural na ganun ang gagawin mo.’’

“Kanina po, nakita kong sinasaktan na naman si Mama. Nakadampot po ako ng bote at hinampas ko sa ulo – dalawang beses.’’

“Anong nangyari?’’

“Natumba po. Lasing kasi.’’

“Hindi naman natuluyan?’’

“Hindi po. Pero dumugo po ang ulo.’’

“At iyon ang dahilan kaya ka nagpunta rito?’’

“Opo. Sabi ni Mama dito muna ako. Ayaw ko sanang iwan si Mama dahil baka lalo siyang saktan pero nagmakaawa siya sa akin. Kapag nagising daw ang demonyo ay baka kung ano ang gawin sa akin.’’

“Tiyak ‘yun! Gagantihan ka dahil sa pagpalo mo sa ulo. Mabuti ngang dito ka muna. Hindi ka naman siguro susundan dito ng hayop na ‘yun. At kung susundan ka, ako ang magiging kalaban niya. Sige dito ka. Hindi ka naman maiinip dito dahil masayang kasama ang mga pinsan mo.’’

“Salamat Tito.’’ (Itutuloy)

Show comments