Ang Babae sa Silong (92)

‘‘PALAGAY ko, nagda-drugs si Kuya Ino, Ate?’’ sabi ni Briel na halos pabulong kay Gab.

‘‘Bakit mo nasabi, Briel ?’’

‘‘Saka ko na lang sasabihin sa’yo Ate. Maraming tao rito. Nakakahiya kung may makarinig.’’

Tumango na lamang si Gab. Halata sa mukha na poblemado na naman siya. Mayroon na naman siyang bagong problema. Hindi pa nga naililibing ang kanyang papa ay eto at mayroon na namang nakaambang bagong prob­lema na hatid ni Ino.

Nang tingnan ni Gab si Dado na nasa gawing kanan niya, nakatingin din pala ito sa kanya. Nalalaman na rin ni Dado ang paparating niyang prob­lema.

Ngumiti lang si Dado sa kanya.

Ibinaba ni Gab ang paningin.

 

INILIBING ang papa ni Gab. Hindi na muling­ nagtungo si Ino para silipin ang ama. Hindi na pinag-aksayaan pang hanapin o kaya’y tawagan nina Gab at Briel ang “sutil’’ na si Ino.

“May problema talaga si Ino,’’ sabi ni Gab kay Dado habang pauwi na sila mula sa memorial park. “Gusto ko nang maniwala na lulong na siya sa drugs.’’

“Huwag mo na munang problemahin sa ngayon ang kapatid mo at baka ikaw naman ang magkasakit. Mas mahirap kapag­ ikaw ang nagkasakit, Gab. Mayroon ka pang ina na iniintindi. Kapag may nangyari sa’yo, sino ang mag-aasikaso sa mama mo.’’

Napatangu-tango si Gab.

Tama si Dado. Kapag nagkasakit o anumang may mangyari sa kanya, sino ang mag-iintindi sa mama niya.

 

SABADO ng umaga. Nahihimbing pa si Dado sa kama nang may kumatok sa pinto ng kanyang kuwarto.

Kahit mahina ang ka­tok, napabalikwas si Dado. Sino kaya ang kumakatok?

Unang naisip ni Dado ay si Manang Oya. Mag-aalok ng tocino at daing.

Pero nang buksan niya, si Gab ang nasa labas.

“May sasabihin ako sa’yo Dado. Naabala ba kita?’’

“Hindi. Halika.’’

Pumasok si Gab.

Isinara ni Dado ang pinto.

“Maupo ka Gab. Gusto mo ng coffee?’’

“Nagkape na ako.’’

“Anong sasabihin mo Gab?’’

“Tungkol sa sinabi ni Ino nun, totoo bang nagpunta ka nun sa silong – sa inuupahan ko.’’

‘‘Oo.’’

‘‘Bakit?’’

(Itutuloy)

Show comments