Ang Babae sa Silong (45)

HINDI natupad ang pa­ngako ni Dado sa sarili na hindi na sisilip sa butas sa sahig. Tinalo siya nang pagnanais na makita kung sino ang bisita ni Gab at ano ang gagawin ng mga ito. Hindi maganda ang kanyang gagawin pero namayani ang nakaiintrigang buhay ni Gab. Gusto niyang mahukay ang lihim ni Gab. At malalaman lamang niya iyon kung sisilipin niya ito.

Nang maalis ang naka­pasak na papel sa butas, dumapa si Dado at sinilip ang kaganapan sa silong.

Pero ganun na lamang ang pagkadismaya niya sapagkat wala siyang nakitang tao sa kuwarto ni Gab. Buhay ang ilaw kaya kitang-kita niya ang kama, lampshade, cabinet, ang bag ni Gab na nakapatong sa tokador at iba pa. Pero walang tao. Nasaan kaya si Gab at ang sinasabi nitong bisita.

Maayos na maayos ang kama ni Gab. Halatang hindi nagagamit. Maayos din ang iba pang gamit.

Baka nasa salas si Gab at ang bisita at doon nag-uusap. O baka naman kumakain. O baka naman nagluluto pa si Gab?

Naghintay si Dado.

Baka mayroon lang gina­gawang mahalaga sa salas o sa kusina o banyo kaya walang tao sa room.

Hindi umalis si Dado sa pagkakasilip. Kapag umalis siya, maaring hindi niya ma­kita ang kaganapan at wala siyang magiging konklusyon.

Kaya naman niyang maghintay kahit matagal.

Hindi siya aalis.

Makalipas ang may dala­wampung minuto, nakita niya si Gab! Halos idikit ni Dado ang mata sa butas. Tila nagmamadali si Gab. Dinampot nito ang bag na nakapatong sa tokador. Bi­nuksan. Kinuha roon ang wallet. Kumuha ng pera sa wallet. Binilang. Mga limang libong piso ang binilang.

Pagkatapos ay ibinalik ang wallet sa bag. Ipi­na­tong uli sa tokador at saka nagmamadaling umalis. Na­wala uli sa paningin ni Dado si Gab.

Nag-isip si Dado. May bibigyan ng pera si Gab. Siguro ay ang bisita nito. Limang libong piso sa pagkakabilang niya ang ibibigay ni Gab.

Hindi umalis si Dado sa pagkakasilip sa butas. Baka pumasok muli si Gab.

Hihintayin uli niya. Lalo nang nang lumikot ang imahinasyon ni Dado. Bakit si Gab ang nagbigay ng pera sa bisita?

Nahihiwagaan si Dado.

Kailangan pa ang malalim na pagsubaybay niya kay Gab.

Sorry Gab.

(Itutuloy)

Show comments