Alupihan (25)

“Sige na Kuya. Huwag ka munang umalis at baka narito pa ang bubuwit. Takut na takot talaga ako sa bubuwit,” sabi ni Girlie.

“Palagay ko naman ay wala na ang bubuwit, Girlie.’’

“Sige na Kuya, maawa ka sa akin.’’

Napakamot sa ulo si Cris kahit wala namang makati roon.

“Sige. Pero wala na ang bubuwit na ‘yun. Nakalabas na ‘yun.’’

“Kahit one hour ka lang dito Kuya.’’

“Sige.’’

“Salamat Kuya. Maupo ka muna diyan Kuya.’’

Naupo si Cris sa monoblock chair.

“Gulat na gulat talaga ako kanina Kuya. Nasa kasarapan na ang pag-idlip ko nang maramdaman kong may gumaga­pang sa paanan ko. At lalo pa akong kinilabutan nang gagapang sa hita ko. Bigla akong bumalikwas ng ba­ngon at nagtungo sa’yo.’’

Napatangu-tango si Cris.

“Pero ngayon ko lang nakita ang bubuwit Kuya. Ilang linggo na ako rito sa kuwarto e ngayon ko lang nakita ‘yun.’’

“Nagtataka ako kung pa­ano nagkaroon ng bubuwit dito e bagumbago itong kuwarto. Wala namang dadaanang butas.’’

“Bakit nga kaya Kuya?’’

“Bukas e iinspeksiyunin ko itong kuwarto mo para malaman ko kung may butas. Kasi kahit sa napakaliit na butas, puwedeng dumaan ang bubuwit. Elastic ang katawan ng mga ‘yan kaya nagkakasya.’’

“Sige Kuya paki-inspect para makasiguro tayo.’’

“Anong oras ba ang pasok mo bukas?’’

“Eight po ng umaga.’’

“Di ba saleslady ka sa department store ano?’’

“Opo Kuya.’’

“Bukas hahanapin ko kung saan nagdaan ang bu­buwit.’’

“Salamat Kuya.’’

Maya-maya nagtanong si Girlie.

“Binata ka ba Kuya?’’

Pangatlo na si Girlie sa nagtanong kung binata siya.

“Biyudo ako. Limang taon na ang nakalilipas mula nang mamatay ang misis ko.’’

“Ay, akala ko binata ka.’’

Napangiti si Cris.

“Mukha kang binata Kuya.’’

“Salamat.’’

“Mag-aasawa ka pa Kuya?’’

(Itutuloy)

Show comments