Ahas sa Garden (22)

BUMANGON si Brenda   at naupo sa kama. Dumungaw naman sa bintana si Nath.

“Anong ahas, Babe?’’

Tanong ni Brenda na nagkunwaring hindi alam ang tungkol sa ahas. Ayaw niyang malaman ni Nath na nagtungo siya kahapon sa garden at nakaharap si Alexis. Basta, ililihim niyang nanggaling siya roon at wala pa siyang alam ukol sa ahas.

“May ahas sa garden --- tulug-tulugin at walang kamandag. Ako pa nga ang nakakita pero nakatakas at hindi na makita.’’

“Anong itsura ng ahas, Babe?’’

“Mga sinlaki ng hintuturo ko ang katawan pero mahaba --- mga isang metro. Itim ang kulay!’’

“Diyos ko! Baka may venom yun!’’

“Wala ngang kamandag ayon kay Alexis, Ahas tulog nga kung tawagin. Lagi raw natutulog.’’

“Kahit pa walang kamandag ang ahas na yun, nakakatakot pa rin.’’

“Kaya nga huwag na huwag kang pupunta sa garden sa likod ng mansion. Baka matapakan mo pa ang ahas.’’

“Ba’t naman ako pupunta roon?’’

“Baka maisipan mong puntahan ang mga orchids.’’

“Hindi ah. Wala akong hilig sa orchids. Kung mga gulay pa --- talong, okra, kalabasa…’’

“Pinakbet!’’

“Oo.’’

Tumanaw sa labas si Nath. Nakita niya si Alexis na nagdidilig ng mga gulay.

Nakita na kaya nito ang ahas?

Maya-maya naramdaman niyang hinahalikan ni Brenda ang puno ng kanyang taynga.

Nakikiliti siya.

Nagpapahiwatig na naman si Brenda.

Bigla niyang siniil ng halik sa labi si Brenda.

Lumaban si Brenda at nag-eskrima ang kanilang mga lengua.

(Itutuloy)

Show comments