Sadiq (27)

NANG dumating si Sadiq, nagbantulot pa si JayR kung sasabihin dito ang mga sinabi ng kasamahan nilang si Pakito. Mahalaga ba yun at dapat niyang patulan? Baka gusto lang mang-asar si Pakito. Noon pa, madalas na itong magparinig kapag dumadaan silang dalawa ni Sadiq sa salas.

Pero ipinasya na rin niyang sabihin. Dapat malaman ni Sadiq ang mga nangyayari.

‘‘Tinanong ako ni Pakito kanina at naguguluhan ako Sadiq.’’

“Anong tinanong?’’

“Kinumusta ako kung okey daw ang mag-couple.’’

Halatang nagulat si Sadiq.

“Sinong mag-couple?’’ tanong nito.

“Hindi ko nga alam. Baka tayo?’’

Nagtawa si Sadiq.

‘‘Tayo mag-couple? Sira ang ulo nun.’’

‘‘Nang tanungin ko uli kung anong couple, sabi e mag-asawa na magkapiling sa kama.’’

Nagtawa uli si Sadiq.

“Huwag kang maniniwala kay Pakito. Baka nasobrahan ng kaiinom ng sadiki kaya kung anu-ano ang sinasabi.’’

“Baka nga. Kasi’y parang nang-aasar e.’’

“Sana nga nahuli na ang gagong Pakitong yun!’’ (Itutuloy)

Show comments