Sa Piling ng Kalapati (176)

MAY plano na si Keiko para sa kanyang ina. Pagbalik niya sa Japan, isasama niya si Mommy Donna at pag-uwi rito sa Pilipinas, sasama uli siya. Kung nasaan si Mommy Donna naroon din si Keiko. Ayaw niyang magkahiwalay pa silang mag-ina.

Humanga si Ruth sa mga plano ni Keiko.

‘‘Hanga ako sa’yo Keiko. Napakabait mong anak. Kaya masayang-masaya si Mommy.’’

“Matagal kaming­ nag­kahiwalay ni Mommy, Ruth at ayaw ko nang magkahiwalay kami kahit sandali.’’

“Yan din ang sinabi sa akin ni Mommy, ayaw niyang magkahiwalay pa kayo.’’

‘‘Kaya nga final na ang mga plano ko, Ruth. Pag-alis ko rito, kasama ko si Mommy at after three months, babalik kami.’’

“E di ako naman ang malulungkot dito?’’

“Isasama nga rin kita. Di ba sabi ko.’’

“Nagbibiro nga lang ako.’’

‘‘Malulungkot ka ba rito e kapiling mo naman ang BF mong si Josh.’’

Nagtawa lang si Ruth.

Nagpatuloy si Keiko sa pagsasalita.

“Kung gusto mo, sa Tokyo na lang kayo mag-honeymoon.’’

“Honeymoon agad e hindi pa kasal.’’

“E di magpakasal na kayo.’’

Nagtawa si Ruth. Pa­labiro talaga si Keiko.

Pero nag-isip din siya. Maaari na nga silang magpakasal ni Joshua. Napag-usapan na nila ito minsan. Siguro, puwede na nga silang lumagay sa tahimik. Tutal naman at may kasama na si Mommy Donna -- si Keiko nga. Mapapanatag na ang loob niya.

(Tatapusin na ito bukas)

Show comments