Sa piling ng kalapati (17)

HABANG pinupunasan ni Ruth si Mommy Donna ay nag-iisip siya kung nasaan ang pamilya ng ina-inahan. Mula nang ampunin siya nito, ni minsan ay hindi ito nagkuwento ng tungkol sa pamilya nito. Kaya wala siyang na­lalaman ukol dito. Tanging ang pangalan lamang nitong Donna Santiago ang alam niya. At hindi naman siya nagtatanong dito tungkol doon. Hindi niya ugaling magtanong na may kaugnayan sa personal na buhay. Basta ang mahalaga sa kanya, inampon siya ng babaing ito at malaki ang utang na loob niya rito. Hindi niya malilimutan ang ginawa nito sa kanyang buhay na iniligtas siya sa tiyak na pagkasira at pagkasadlak sa impiyerno. Dumating si Mommy Donna sa panahong siya ay nalulunod at sinagip siya.

Mahal na mahal niya ang ina-inahan. Mas mahal pa niya ito kaysa sa namatay niyang ina na mas kinampihan pa ang manyakis nitong ka-live-in. Noon, natatandaan niya, walang tigil kung siya ay murahin ng kanyang ina. Kaunting pagkakamali ay sinasabunutan siya. Pumapasok siya sa school na walang laman ang tiyan. Pagdating sa bahay, ta­talakan siya nang tatalakan. Habang ang kanyang ka-live in ay nakangisi lang sa isang tabi. Minsan kapag nagkukulong sa maliit na kuwarto ang kanyang ina at ka-live in nito, nagtataka siya kung ano ang ginagawa. Hanggang matuklasan niya na nagsa-shabu. Nakita niya ang shabu paraphernalia sa kuwarto nang minsang maglinis siya.

Impiyerno ang naging buhay niya sa sariling ina. Malayung-malayo sa ipinakita sa kanya ni Mommy Donna. Ni minsan, mula nang ampunin siya nito, hindi siya nakatikim ng mura o ano pa man. Kahit nakakagawa siya ng kamalian, hindi siya pinagsasalitaan ng masakit kundi ay marahang pananalita na nagpapayo.

Kaya mahal na mahal niya ang babaing ito. Kung mayroon mang mang-aapi sa kanyang Mommy Donna, siya ang haharap para rito. Ipagtatanggol niya ang ina-inahan.

Tinapos ni Ruth ang pagpupunas kay Mommy Donna.

Nang kunan niya ng temperature, wala nang lagnat.

Niyakap niya ang ina-inahan. Salamat at wala nang lagnat.

(Itutuloy)

Show comments