Nunal (48)

TUWANG-TUWA si Ro­bert nang ibalita kay Anto ang nadiskubre. Nasa ku­sina si Anto at nagluluto ng hapunan.

“Nakita ko na si Bianca.”

“Saan?’’

“Kapatid siya ni Bighani!’’

Napanganga si Anto.

“Hindi ko maintindihan, Robert.’’

“Si Bianca at si Bighani ay magkapatid, Anto. At hindi talaga Bi­anca ang pangalan niya kundi Mahinhin.’’

“Sabi ko na nga ba! Wala talagang pangalang Bianca rito sa Maragooc. Pawang purong Tagalog ang name ng mga babae rito.’’

“Tama ka Anto, alyas lang talaga ang Bianca’’

“E nagkausap kayo ni Bianca o Mahinhin?’’

“Oo. Pero halatang umi­iwas siya, Anto. Nasabi ko kasi sa kanya na may kamukha siya na ang panga­lan ay Bianca. Namutla siya at halatang umiiwas. Big­lang tumayo at meron pa raw siyang gagawin.’’

“Bakit kaya umiwas?’’

“Hindi ko pa nasasabi sa’yo Anto na si Bianca ay nude dancer sa isang KTV bar sa Pasay City. Star dancer siya roon. Siya ang paboritong puntahan ng mga naglilibang sa club.’’

“Ah doon mo siya nakita.’’

“Oo. Kilalang-kilala ko siya dahil madalas ako sa pinagtatrabahuhan niyang club.’’

“Nililihim niya ang trabaho kung ganun.’’

“Tama ka Anto. Kasi’y ang paniwala ng kapatid na si Bighani, nagtatrabahong artist ang Ate Hinhin niya. Hindi niya alam na dancer pala ito.’’

“Ano ngayon ang ba­lak mo, Robert.’’

“Gusto kong makausap si Mahinhin ukol dun. Wala naman akong intensiyong masama. Basta ka­kausapin ko.’’

“Gawin mo habang ma­aga.’’

(Itutuloy)

 

Show comments