Nunal (41)

PERO hindi mapakali si Robert. Hindi na niya mahihintay ang Linggo na sabi ni Anto ay pupuntahan nila ang bahay ng babae. Kaya naman niyang puntahang mag-isa ang bahay. Gusto niyang malaman kung may tao na roon. Malakas ang kutob niyang may tao na.

Kinabukasan, nagpa­alam siya kay Anto.

“Pupuntahan ko ang bahay, baka mayroon nang tao.’’

“Talagang hindi ka na makapaghintay ha? Sige pero mag-ingat ka at baka mayroon kang masalubong na mga lasing. Tuwing Sabado kasi ay may mga nag-iinuman sa may ilog. Nagkakatuwaan ba. Pero hindi naman madalas. Basta iwasan mo. Kaya nga gusto ko bukas tayo pumunta.’’

“Mag-iingat ako, Anto. Isa pa ay mayroon kang ginagawa at nakakahiya naman kung maaabala ka.’’

“Sige lumakad ka na ngayon para maaga ka ring makabalik.’’

“Sige, Anto, salamat. Magbibihis lang ako.’’

“Mag-ingat ka rin sa kobra.’’

“Salamat.’’

Makaraang magbihis, nagmamadaling umalis si Robert. Tamang-tama na na hindi pa gaanong masakit ang sikat ng araw. At tama si Anto na sa ganitong oras ay wala pa ang mga sinasabi nitong nag-iinuman sa pampang ng Ilog Pola. Kailangang iwasan niya ang mga taong iyon.

Dahil kabisado na niya ang bahay, madali siyang nakarating.

Nakiramdam muna siya kung may tao na sa bahay. Kapag may pala­tandaan na saka siya tatawag.

May narinig siyang na­bagsak na baga mula sa loob.

Nabuhayan ng loob si Robert.

May tao na! Tama ang kutob niya!

“Tao po! Magandang umaga po!” tawag niya. Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa.

Hanggang may marinig siyang yabag na papalapit mula sa loob.

(Itutuloy)

Show comments