Damo sa Pilapil (69)

SI Zac ang nagbaba ng tingin sa nakati­nginang bisor. Ayaw niyang magkaroon ng eye-to-eye contact dito. Sa ganoong tinginan nagsisimula ang pag-aaway. Ayaw niyang magkaroon ng kaaway sa kompanya kahit pa ang bisor ang gustong magsimula nito. Hindi niya alam kung bakit hanggang ngayon ay “mainit” pa rin ang dugo nito sa kanya. Dahil kaya sa naging regular na empleado na siya at nasa isang magandang departa­mento. Dahil kaya nag­tapos siyang cum laude. O baka natatakot na balang araw ay malampasan pa niya ito.

Mula noon, kapag dumadaan si bisor sa kanilang departamento ay hindi siya nakikipaglaban ng ti­nginan. Parang wala siyang nakita. Siya na ang kusang sumusuko. Wala namang mawawala sa kanya kung hindi siya maki­paglaban ng tinginan.

Ibinuhos niya ang oras sa pagtatrabaho. Wala siyang sinasa­yang na oras. Kailangang ma­ipakita niya sa mga kasamahan at sa mga bossing sa kompanya na karapat-dapat siya. Isa pa, naipangako niya kay Mam Dulce na pagbubutihin ang pagtatrabaho. Hindi dapat masayang ang mga ginawang tulong ni Mam Dulce.

Inaabot siya ng gabi sa opisina sapagkat tinatapos niya ang trabaho. Madalas ay siya na lamang ang naiiwan sa opisina. Hindi niya ipinagpapabukas pa ang mga kayang gawin.

Mula nang mataas ang posisyon niya, hindi na siya pinagda-drive ni Mam Dulce ng sasakyan nito. Hindi na raw bagay kay Zac ang maging drayber. Pinayo kay Zac na kapag nakaipon ay bumili ng sariling sasakyan.

Pero may pagkakataon na pinagda-drive ni Zac si Mam kapag libre ang kanyang oras.

“Sa Linggo e aalis ako Zac, ihatid mo na lang ako sa airport. Tapos ikaw na uli ang bahala sa bahay.’’

“Opo Mam.’’

“Baka mga isang linggo ako sa Bangkok.’’

“May kasama ka Mam?’’

“Oo. Si Bogs’’

(Itutuloy)

Show comments