Damo Sa Pilapil(40)

LALO pang pinagbuti ni Zac ang pag-aaral para lalo pang matuwa sa kanya si Mam Dulce. Hindi niya bibiguin si Mam Dulce na mataas ang expectations sa kanya. Sisikapin niyang mas mataas pa ang makuhang grades sa second semester.

Hindi rin naman siya nagpapabaya sa kanyang trabaho bilang messenger. Kahit na alam niyang “mainit ang hininga” sa kanya ng isang bisor ay hindi siya nagpapaapekto. Nag-iingat siya na “mabutasan”  ng bisor. Bago siya mag-out sa hapon ay sinisiguro niyang nadeliber lahat ang mga papeles at nagawa niya ang iniuutos ng mga boss kabilang ang bisor. Hindi siya umaalis agad.

Minsan ay nilapitan siya ng mabait na janitor na asar din sa bisor. May ibinulong sa kanya.

“Mag-ingat ka Zac at naghahanap ng tiyempo ang hayop na bisor. Narinig ko kanina habang naglilinis sa kuwarto ni bisor na na may kausap ito sa HR at nabanggit ang pangalan mo. Palagay ko may tinatanong. Naghinala ako, Zac. Kaya ingat ka, paalala ko lang.’’

“Salamat, Manong sa paalala. Hindi naman po siguro ako pababayaan ng Diyos dahil wala naman akong ginagawang palso.’’

“Palagay ko naiinggit sa’yo si bisor, Zac.’’

Napangiti si Zac.

“Bakit naman siya maiinggit sa akin, Ma­nong?”

“Baka dahil mas guwapo ka kaysa sa kanya.’’

Nagtawa si Zac.

“Ikaw talaga Manong. Hayaan na lang natin ang trip niya. Titigil din yun.’’

“Nanggigigil kasi ako, sabi ni Manong.’’

ISANG umaga naglilinis ng bahay si Zac, napansin niyang wala si Mam Dulce.

Ilang araw na niya itong hindi nakikita. Baka may sakit na naman. Puntahan kaya niya sa kuwarto para malaman niya. Kawawa naman si Mam Dulce. (Itutuloy)

Show comments