Damo sa Pilapil (3)

PAGKATAPOS tanawin ang papalayong SUV, agad binasa ni Zacharias ang calling card na binigay ng babaing tinulungan: DULCEAMOR SANTOS, manager, H&DSantos Realty. At nakasaad ang maraming telephone numbers.

Manager pala ng isang realty ang tinulungan niya. Mayaman siguro ang babaing iyon. Napansin niya na isang libong piso ang iaabot sa kanya kanina pero hindi niya tinanggap. Ipinipilit sa kanya ang pera pero sa totoo lang, hindi naman siya nag-e-expect ng bayad. Gusto lang talaga niyang makatulong.

Isinilid niya sa bulsa ng jacket ang calling card at kinuha ang kalabaw na nakatali at nagpatuloy sa paglalakad patungo sa kanilang bukid. May kalahating oras lakarin ang patungo sa kanilang bukid na nasa tabing kalsada. May isang ektarya ang kanilang bukid na nakukunan din naman nila ng ani para sa kanilang pagkain. Nakakapagbenta rin ng konti depende kung maganda ang ani. Namana iyon ng kanyang tatay sa mga magulang nito na isa ring magsasaka. At nahuhulaan na ni Zacharias na kapag hindi siya naghanap ng ibang magandang pagkakakitaan, siya ang magmamana ng bukid na iyon na dahil siya ang lalaki.

Inaararo na niya ang ma-laking pitak nang dumating ang kanyang tatay na may dalang pagkain para sa tanghalian.

“O bakit kakaunti pa lang ang naaararo mo Zac?” tanong ng kanyang tatay.

“May tinulungan kasi akong magpalit ng gulong diyan sa highway, Tatay. Babae.’’

“Nasiraan?’’

“Na-flat ang gulong.’’

“Mabuti at marunong kang magpalit ng gulong?’’

“Tinuruan kami nung high school sa isang subject. Madali lang naman ang magpalit ng gulong. Kayang-kaya ko.’’

“Anong sabi ng babae na tinulungan mo?’’

“Binibigyan ako ng pera pero hindi ko tinanggap.’’

“Bakit?’’

“Sandali lang naman ang pagpapalit. Baka fifteen minutes ko lang ginawa.’’

“Kahit na. Sana tinanggap mo.’’

“Nahiya ako e.’’

“Mukha bang maykaya?’’

“Parang mayaman. Binigyan nga ako ng calling card. Tawagan ko raw siya o puntahan kung may kailangan ako.’’

“Kung inaakala mo namang maykaya, tanggapin mo ang iniaalok. Kasi nag-serbisyo ka.’’

“Nahiya nga ako Tatay.’’

“O sige wala na ‘yun. Etong pagkain mo sa tanghalian. Babalik na ako sa bahay at kukunin ko ang binhi. Kailangang makapagpunla na.’’

“Sige Tatay.’’

Nang matapos mag-araro, kumain na si Zac at nagpahinga. Muling binasa ang calling card ng babae. Tawagan kaya niya. Pero wala naman siyang cell phone.

(Itutuloy)

 

Show comments