Viñas Deluxe, bagong drag sensation sa RuPaul’s DragCon LA

Viñas Deluxe

Panibagong milestone ang nakamit ng Drag Pop Misis na si Viñas Deluxe nang pumalo sa halos 500,000 combined streams sa iba’t ibang digital platforms ang kanyang I’m Feeling Sexy Tonight single habang iba’t ibang papuri naman ang kanyang natanggap matapos mag-trending ang kanyang performance sa RuPaul’s DragCon sa Los Angeles, California.

Sa unang bahagi ng taon, inilabas ni Viñas ang rendition niya ng I’m Feeling Sexy Tonight ni Chona Cruz kung saan iprinodyus niya ang campy at makulay na music video kasama ang creative director na si Ejay Dimayacyac. Ang upbeat dance track ay ang unang single niya bilang recording artist sa ilalim ng Tarsier Records.

Samantala, tampok din siya sa naganap na RuPaul’s DragCon noong Mayo 12 at 13 kung saan nakasama niyang mag-perform ang iba’t ibang tanyag na drag artist. Ibinida ni Viñas ang kanyang impersonation ng We Belong Together ni Mariah Carey na inawit niya sa 2006 Grammy Awards.

Umarangkada na sa mahigit isang milyong views sa TikTok ang kanyang impersonation na umani ng iba’t ibang papuri.

Bukod sa kanyang musical career, pinasok din ni Viñas ang pag-arte sa IWantTFC series na Drag You and Me kasama sina Andrea Brillantes, Christian Bables, at JC Alcantara na kasalukuyan nang napapanood.

Show comments