Paolo, ayaw magsalita sa pagpasok sa Eat Bulaga

Inaasahan nang mag-live ngayong araw ang bagong hosts ng Eat Bulaga.

Nag-rehearse na sila nung nakaraang Sabado ng hapon, pero natigil sila ng ilang oras dahil may interview doon ang PEP.Ph kina Mr. John at Mayor Bullet Jalosjos.

May ilang naglabas na ng pangalan ng mga kinuhang hosts na ipapalit kina Tito, Vic and Joey at sa ibang Dabarkads, pero wala pang nagsasalita sa kanila.

Isa sa lumabas na pangalan ay si Paolo Contis, kaya tinanong ko ang Kapuso actor kung ka-join na nga siya.

Hindi pa raw sila puwedeng magsalita sa ngayon.

Bukod kay Paolo, makakasama rin daw sa hosts sina Buboy Villar, Betong Sumaya, Alexa Miro at magkapatid na Mavy at Cassy Legaspi.

Magkaibigan pala sina Mayor Bullet at Kim Atienza, kaya pinapakiusapan daw itong sumali sa bagong hosts. Pero napapanood kasi sa TiktoClock si Kuya Kim mula Lunes hanggang Biyernes, kaya kahit sa Sabado na lang daw siya sumali.

Ang isang dating Dabarkads na posibleng maiwan ay ang batang si Carren Eistrup na winner ng Bida Next.

May kontrata kasi raw ito sa TAPE, Inc. at itong hosting sa EB ang isa sa mga premyo sa pagkapanalo niya.

Ang isa pang narinig naming isasali rin ay ang magaling na all-girl group ng Sparkle na XOXO Girls na ang isang member na si Riel Lomadilla ay regular sa bagong sitcom ni Bossing Vic Sotto na Open 24/7.

May ilang pangalan ng mga dating Dabarkads na natanggal ang nagpaparamdam daw sa TAPE, pero hindi pa napagdesisyunan kung kukunin sila.

May isang showbiz mom daw na nag-reach out din sa taga-TAPE na baka type nilang kunin ang anak niyang actress/TV host, pero ewan ko lang kung interesado sila.

Magdadagdag pa raw sila ng hosts na karamihan ay taga-Sparkle. May ilang Kapamilya stars na interesado rin daw kunin ng TAPE.

Balak din daw nilang kumuha ng bagong talents, pero talented.

Samantala, si Tito Joey de Leon ay panay ang post sa kanyang Instagram account na nagpapahaging na sa TV5 na sila mapapanood.

Ang sabi niya sa huling IG post, “Sabi ko noon, we are not signing off, we are just taking a day-off. In other words, pahinga muna. In English, TAKE FIVE!”

Misteryosong personalidad, papasok sa show ni Bong

SInalubong ng napakaraming tao ang motorcade ni Sen. Bong Revilla Jr. kasama ang ibang cast ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis na nagsimula na sa GMA 7 kagabi.

Nung Sabado ng hapon sila nag-motorcade sa Caloocan City, Maynila at Navotas, na inabot na sila ng gabi.

Kasama ni Sen. Bong ang ibang cast na sina Max Collins, Kelvin Miranda, Carmi Martin, Jeric Raval, ER Ejercito, Maey Bautista, Nikki Co, Bembol Roco, at Raphael Landicho.

Nagpapasalamat si Sen. Bong dahil todo ang suporta ng GMA 7 sa promo nito. Pati ang buong cast at napaka-cooperative para ma-promote nang mabuti ang naturang action-comedy.

Sabi ni Sen. Bong, marami pa raw mga bagong mada­dagdag sa cast, at isa na nga rito ang mystery guest nila na isa sa kinikilala sa industriya.

Hindi pa raw puwedeng ma-reveal muna sa ngayon pero unti-unti na raw magpaparamdam sa mga susunod na episodes.

“Siya ‘yung leader ng lahat na kalaban,” sagot ni direk Enzo Williams nang tinanong namin kung ano ‘yung role nitong si mystery guest.

“Pero may patikim na sa kanya sa early episodes. Somewhere in the middle, may patikim na sa kanya. Iri-reveal na lang namin siya sa dulo. Pero everything will fall into this na ah siya pala ‘yun. Parang puzzle,” sabi naman ng head writer na si Jojo Nones.

Pero malaking pangalan sa showbiz itong si mystery guest na gaganap sa role na ‘yun.

Sabi naman ni Sen. Bong, may partisipasyon sa sitcom na ito ang iba pang veteran actors na matagal nang hindi napapanood sa mga pelikula niya.

“Marami pang papasok, si Jimmy Santos bilang isang retired na pulis.

“Basta marami pang papasok. Abangan n’yo na lang ‘yan,” pakli ni Sen. Bong.

Show comments