Regine, ‘di mapilit umarte!

Regine at Ogie.

Kitang-kita sa mukha ng mag-asawang Ogie Alcasid at Regine Velasquez ang sobrang kasiyahan pagkatapos nilang mag-perform sa Ormoc City na nag-celebrate ng kanilang 75th Charter Day nung nakaraang Huwebes.

Ang bale finale ng selebrasyon ay ang Shine The Diamond Concert nina Ogie at Regine na ginanap sa Plaza ng Ormoc.

Ang tantiya nina Cong. Richard Gomez at Mayor Lucy Torres-Gomez ay mahigit 50K katao ang dumagsa sa concert na ‘yun.

Meron pa kasing nanggaling ng Cebu, Dumaguete para panoorin ‘yun.

Nag-enjoy naman ang lahat, dahil ang saya ng concert at talaga namang pasabog ang naturang show.

Kaya hindi napigilang maluha ni Cong. Goma dahil nakikita raw niyang napasaya nina Ogie at Regine ang mga kababayan nila sa Ormoc.

Sabi ni Regine nang nakatsikahan namin pagkatapos ng concert, talagang nai-enjoy raw nila ni Ogie ang mag-perform.

So far, eto raw ang pinakamalaking concert na ginawa nila ngayong pandemic.

Kaya na-enjoy talaga ng Songbird ang pagkanta, at dito raw muna siya mag-focus.

Ilang beses din pala siyang kinulit ni Boss Vic del Rosario na gumawa na ng pelikula, pero tumatanggi siya.

“Nakakatawa ‘yung Viva. Kahit sinasabi ko ‘Boss Vic ayoko na muna ngayon. Si Boss Vic kasi ang laki ng paniniwala sa akin as an actress. ‘Yun ang feeling niya talaga. Si  Boss Vic talaga hanggang ngayon gustung-gusto niya talaga akong umarte. ‘Isipin ko muna Boss Vic.

“Parang na-enjoy ko talaga ‘yung kumanta ako. Tapos parang feeling ko kasi ang dami kong dapat na matutunan as a singer. Parang feeling ko nag-uumpisa na naman ako, ‘pag umo-okay na ‘yung boses ko, parang magiging weird na naman, mag-uumpisa na naman. Ganun talaga dyumodyonders!,” bulalas ni Regine.

Tingin daw niya, nagawa na niya ang lahat na pag-arte dahil ibinigay naman daw ito sa kanya nung nasa GMA 7 siya.

“Kasi alam mo, nung nasa GMA ako, binigay ‘yun sa akin lahat e. Binigyan ako ng opportunity to do that.

“Not that napagod ako. Kaya lang nung nanganak ako, parang na-miss ko ang pagkanta,” pakli ng Asia’s Songbird.

Nung buntis daw siya kasi, hindi talaga siya kumanta dahil iniiwasan niyang magkaroon ng force at baka makaapekto sa kanyang pagbubuntis.

Pagkatapos daw niyang manganak ay talagang naramdaman niyang nahirapan na siyang kumanta.

“I had such a hard time singing. So, the more ako naging compassionate about it, kasi hindi na kagaya nung kabataan ko na ‘pag binuka ko ‘yung bibig ko, may boses ako. Hindi na ganun e.

“Kasi dati parang ang dami kong ginagawa.

“Kasi singer din naman talaga ako ‘di ba? Na-confuse din ako for awhile, kasi ang daming binigay sa akin na opportunity, sa Viva, sa GMA, in fairness.

“Thankful naman ako dun. Tapos ‘yung mga soaps na ginawa ko, successful din naman lahat e.

“I’m so grateful for all those blessings that came my way. But during those times lang, kumakanta pa rin naman ako,” sabi pa ni Regine.

First time na nag-concert si Regine sa Ormoc City at sobrang na-touch siya sa mainit na pagtanggap sa kanila.

Kinuwento niyang taga-Leyte pala ang kanyang ina, na napakalayo lang daw ng kanilang bayan.

Kaya malapit sa kanya ang pagka-Bisaya, at feel na feel niya ang kinanta ang Visayan song na Usahay, na dating itinuturo raw ng kanyang ina.

Talent manager, napagkamalang si Atak

Nagulumihanan na takang-taka at ‘di mawari ng isang talent manager bakit may mga nagpapalitrato sa kanya na mga taong nakasabay niya sa isang airport.

Kuwento nitong talent manager, papunta raw siya isang probinsya sa Kabisayaan noon kasabay ang isang boy group na hindi pa sikat nung panahong ‘yun.

Naloka raw siya dahil dedma raw ang mga tao sa mga nagaguwapuhang lalaking kasabay niya. Sa kanya raw naglapitan para magpalitrato.

Smile keti smile naman daw itong si talent manager sa mga gustong magpalitrato sa kanya.

Maya-maya, narinig daw niya ang sinabi ng isang babaeng nagpalitrato sa kanya na sinabing “thank you Atak!”.

Natawa na lang daw si talent manager dahil alam niyang hindi siya sikat, at napagkalaman lang siya na isang artista. Pero hindi naman daw niya akalaing mapagkamalan siya sa komedyanteng si Atak.

Show comments