Ronnie at Loisa, takot mag-suffer ‘pag nagpakasal

Loisa Andalio at Ronnie Alonte.

Do you imagine yourself na hindi lang 40 days tatagal ang relationship n’yo? Tanong ng press kina Loisa Andalio at Ronnie Alonte sa ginanap na advance screening / media conference ng teleserye nilang Love In 40 Days.

Parang aabot yata ng 40 years or more than that?

“’Yun ang goal! Actually, kasi kami ni Ronnie pumasok kami ng relasyon na dapat seryoso, dapat alam natin ‘yung gusto nating patutunguhan kasi kung laro lang, eh ‘wag na lang. Work na lang talaga tayo,” sagot ni Loisa.

Hirit naman ni Ronnie :“Sabay kaming puputi ang buhok, sabay.”

Is it too early to ask? Wala pa bang planong kasal?

“Ah wala pa naman plano,” sabi ni Ronnie.

Ayon kay Loisa ayaw nilang mag-suffer in the end kaya nag-iipon muna sila. “Ipon muna, ‘yun ang mahalaga. Kailangan, para sa akin, ‘pag papasok ka sa mga ganyang sitwasyon, family or ‘yung pa-level up na, kailangan talaga maayos ‘yung plano, pinag-uusapan, kasi syempre ayaw namin mag-suffer ‘yung sa dulo. ‘Di ba nga ‘nasa huli ang pagsisisi’ kaya dapat pinaplano talaga.”

“Saka importante sa amin is… masaya kami,” dagdag pa ng actor.

Anyway, gaganap na multo ni Loisa sa Love in 40 Days na mapapanood simula Mayo 28 sa iWantTFC at Mayo 30 naman sa Kapamilya Channel, A2Z, Kapamilya Online Live, at TV5.

Ibinahagi rin ng real-life couple sa special screening at mediacon noong Biyernes (Mayo 20), na naging challenging ang kanilang pagganap sa serye, na kauna-unahang teleser­yeng pagbibidahan nila.

“Nakakataba ng puso pero kinakabahan pa rin. May pressure pa rin. Medyo nahirapan lang ako kasi ‘yung role ko dito, hindi talaga siya bida eh, may pagkakontrabida rin siya,” sabi ni Loisa.

“Naging mahirap talaga sa amin kasi sa totoong buhay, kami talaga. So ‘yung acting namin na kailangan hindi kami, na hindi maramdaman ng tao na kami talaga, mahirap. Hindi kami nagpansinan sa set para mas maganda ‘yung atake namin,” dagdag ni Ronnie.

Si Loisa si Jane, isang ambisyosang insu­rance agent na walang ibang inatupag kundi kumita ng pera simula noong tumayo siyang pangawalang magulang ng kapatid niyang si Monmon (Josh de Guzman).

Sa kabila ng kanyang mga tagumpay sa trabaho, isang trahedya ang sasapit kay Jane nang mamatay siya sa isang aksidente. Magiging multo si Jane at mapupunta siya sa Ever­green Mansion – isang lugar kung saan ginagabayan ang mga multo bago sila tuluyang tumawid sa kabilang buhay.

Dito magkukrus ang landas nina Jane at Edward (Ronnie), isang mayamang bandista na mula sa pamilyang nagmamay-ari ng pinakasikat na funeral homes sa bansa. Dahil sa third eye ni Edward, nakikita at nakakausap niya si Jane na parang normal na tao at wala siyang kamalay-malay na multo pala ito.

Habang unti-unti nang tinatanggap ni Jane ang kanyang pagkamatay, si Edward ang magiging balakid sa mga plano niya. Determinado kasi si Edward na ipasara ang Evergreen Mansion para magpatayo ng sarili niyang resto-bar at tuluyan nang kumalas sa mga istrikto niyang magulang na sina Robert at Andrea (Bart Guingona at Mylene Dizon).

Ang Love in 40 Days ay mula sa direksyon nina Manny Palo at Jojo Saguin. Pinagbibidahan din ito nina William Lorenzo, Leo Martinez, Lotlot de Leon, Zabel Lamberth, Janice de Belen, Ana Abad Santos, Ahron Villena, Maria Isabel Lopez, Renshi de Guzman, Trina Legaspi, Raven Molina, Chie Filomeno, Benedix Ramos, Vaughn Piczon, Kobie Brown, at Andi Abaya.

Show comments