Budget sa kampanya ni Anjo, ninakaw ng katiwala!

Anjo
STAR/ File

Kaya nag-withdraw

Bago humiwalay ang taong 2021 at salubungin ang 2022, inilabas ni Anjo Yllana ang dinadala niyang sama ng loob laban sa ilang taong malapit sa kanya, pero nasira dahil sa isyu sa pera.

Nakapanayam namin ang actor/TV host sa radio program namin sa DZRH nung nakaraang Huwebes at inilahad niya ang tunay na dahilan kung bakit iniatras niya ang kanyang kandidatura bilang Congressman ng 4th district ng Camarines Sur.

Matagal nang tinatrabaho ito ni Anjo at isa siya sa pinakamaagang nag-file ng candidacy sa CamSur, pero nagulat kami nung November ay nag-submit siya ng withdrawal of candidacy at nagpa-substitute na siya.

Ang sabi lang niya sa kanyang Facebook post, ang kalusugan daw ang dahilan pagkatapos niyang magka-COVID-19. “Nung nagka-COVID kasi ako nung October, after that one month na nakakaramdam pa rin ako ng medyo kakaiba.

 “May Asthma na kasi ako before pa. Napansin ko na parang mas lumalala. Pero sa tingin ko, kaya ko pa naman. That was secondary. Pero the main reason kung bakit ako umatras din. Medyo hindi kasi maganda ang nangyari sa akin,” simulang pahayag ni Anjo.

Ang tinutukoy niyang hindi maganda ay ang ilang bahagi ng perang hindi napupunta sa kanya na supposed to be ay inaayos ito ng taong pinagkakatiwaalan niya.

Ayaw banggitin ni Anjo kung sino ito, pero ‘katiwala’ ang tawag niya rito.

“Hindi ko mabanggit ang pangalan nung dalawa… pero magsyota ito,” natatawang sagot sa akin ni Anjo.

Ayon sa paliwanag ng aktor/TV host, may sponsor daw siya rito sa pagtakbo niya sa Camarines Sur. Itong sponsor ang nagbibigay ng pondo na ginagamit niya sa pag-iikot sa iba’t ibang barangay ng Camarines Sur.

Every month meron siyang tinatanggap na kung saan ay tinatapatan daw nito ang monthly na suweldo niya sa Happy Time. “To tell you honestly, I have a working budget, kasi merong tumutulong. Merong nagri-receive nito o kumukuha. Hindi ko naman pinapakialaman kung magkano ang hawak nila,” dagdag na kuwento ni Anjo.

Itong katiwala raw niya ang nakikipag-usap sa sponsor niya at kumukuha ng monthly na budget. Ibinibigay ito sa kanyang campaign manager para gamitin sa mga pag-iikot niya sa 4th district.

 “Marami sa mga taga-4th district ng CamSur na nangangailangan ng tulong. Siyempre ‘pag nangangailangan ng tulong, kakausapin ka ganyan ganyan. Ako naman ‘pag may humihingi ng tulong, kahit hindi masyadong malaki nagbibigay ako. Ayoko ng ‘pasensya na wala pa akong pera’.

“Eh sa distritong tinatakbuhan ko, meron akong sampung Mayor, sampung Vice Mayor, Councilors, may 300 barangays, so merong 300 barangay captains,” paliwanag niya. “Apparently, nakakalungkot man, nung six months na ako ay bumababa at nagpapakilala, at ipinapaalam sa tao ang aking plataporma, at salamat nga sa mga taga-4th district ng Camarines Sur dahil napakainit at welcome na welcome ako sa kanila. Unfortunately, ‘yun nga… medyo sabihin na natin para madali, ninakaw ‘yung pera,” diretso niyang pahayag.

Mahigit P500K daw ito, at ‘yun nga ang binibigay daw ng sponsor na tinatanggap ng katiwala niya ay huli na lang daw niya nalaman na nababawasan pala ito.

“Dun kasi sa suweldo ko, nabawasan ‘yun ng P160K na kaltas na huli ko na lang din nalaman,” dagdag na pahayag ni Anjo.

Show comments