Sagot ni Cristy Fermin sa banat ni Kylie: ‘hindi pa ipinanganganak ang artistang magdidikta sa akin’

Kylie.

Binura ni Kylie Padilla ang tweet niya tungkol kay Nay Cristy Fermin na parang nakikipag-usap at pinagsa­sabihan lang ang kaedad niya na nagpa-trending kay Nay Cristy sa Twitter kahapon. Pero kumalat na ito : “Hi Cristy Fermin. Alam ko kung sino source mo. Wag nyong hintayin mag salita ako tungkol sa inyo. Nagtitimpi ako para sa mga anak ko. Tignan nyo mga mali nyo sa sarili nyo bago kayo manghusga ng ibang tao. Ano bang makukuha nyo sa pag sisira sakin? GROW UP. Ang tatanda nyo na. At sana kung sisiraan nyo ako totoo mga pinagsasabi nyo. Mahiya naman kayo sa mga sarili nyo,” kumpletong tweet ng anak ni Robin Padilla na base sa post ni Aljur Abrenica ay nauna diumanong nagloko.

Pinag-usapan sa Cristy Per Minute nina Nay Cristy with Rommel Chika sa One PH two days ago ang kuwento ng source ni Nay Cristy na diumano’y parating may kausap si Kylie kahit sa kanilang garden. “Kung natatandaan n’yo po, lagi po nating pinag-uusapan noon ‘yung kwento ng aking source, na si Kylie po talaga ‘yung laging may kausap sa garden. Kahit na madaling araw, may kausap sa phone, bumababa siya. Kahit sa kusina, meron siyang kausap,” ang bahagi ng sabi ni Nay Cristy.

Ikinukuwento pa ng source ni Nay Cristy, na kapag dumarating daw si Aljur at mag­luluto ng pagkain ‘yung kanilang kasambahay, sasabihin diumano ni Kylie, ‘Huwag ka nang magluto, hayaan mo siyang magutom. Hindi naman siya ang gumagastos dito sa bahay.”

Kahapon ay sinagot ni Nay Cristy ang birada sa kanya ni Kylie sa Twitter :  “Kylie, alam mo. Hindi mo pupwedeng manduhan ang mga manunulat kung ano ang kanilang sasabihin at kanilang susulatin. Katulad ko, ako’y isang kolumnista. Hindi mo ako pwedeng diktahan kung ano lang ang gusto mong mabasa mula sa columns ko,” umpisa ni Nay Cristy sa kanyang programa.

“Kylie, hindi pa ipinanganganak ang artistang magmamando at magdidikta sa akin na kung ano ang dapat ko lang sulatin at sabihin. Sorry sa ‘yo, maling puno ang kinahulan mo.

“Kung gusto mo na puro maganda lang ang tungkol sa iyo ang mababasa mo, magtayo ka ng sarili mong publication. Pero para panghimasukan mo ang buhay naming manunulat, panghimasukan mo ang trabaho ko sa hanay na kinabibilangan ko, hindi kita papayagan. Iisa lang ang puhunan namin, kung kayo ay kagandahan, kami ay kredibilidad. Hindi ko papanakaw sa ‘yo yun, Kylie Padilla!

“Ineng, isang araw manalamin ka. ‘Yang mukha mo ay kukulubot. Ang katawan mo ay magbabago ng postura. Lahat ng mga bagay, materyal lamang. Lalo na ang kagandahan, nawawala ‘yan, lumilipas ‘yan pero ‘yung paninindigan, mawala ka man sa mundo, ang sasabihin may word of honor ka.

“Kung tunay kang nagmamalasakit at nagmamahal sa mga anak n’yo ni Aljur, dapat ay hindi mo isinapubliko ang mga nangyayari sa buhay n’yo.”

Pinanindigan din ni Nay Cristy ang kuwento ng source niya tungkol kay Kylie na nag-IG post naman na ok sila ng mga anak niya. Sa kanyang post kasama ang mga anak, sinabi nitong “I have all I could ever want already. Para sa lahat ng nag aalala sakin. I’m really ok. Masaya ako and I will protect my happiness. No matter what,” sabay promote ng girls’ love series nila ni Andrea Torres na BetCin na napapanood sa digital platform na WeTV.

Pero bakit nga ba ‘di magsalita si Kylie at resbakan si Aljur para magkaalaman na talaga kung ano ang nangyari sa kanila.

 

 

Show comments