_ngayon
^

PSN Showbiz

Alessandra, nakasungkit din ng best actress sa Urian

SHOWBIZ GANERN! - Gorgy Rula - Pilipino Star Ngayon
Alessandra, nakasungkit din ng best actress sa Urian
Alessandra de Rossi.

Finally, nasungkit na rin ni Alessandra de Rossi para sa pelikulang Watch List ang Best Actress trophy sa mga Manunuri.

Iginawad ang 44th Gawad Urian nung nakaraang Huwebes ng gabi. Virtual awarding ito na napanood sa YouTube channel ng UPTV at Facebook account ng Gawad Urian.

Ang documentary film na Aswang ang nakakuha ng major awards gaya ng Best Director na si Alyx Arumpac at Best in Cinematography at pati ang Best Documentary Film.

Pero ang isa sa masaya nung gabing iyon ay si Alessandra na sinasabi nga niyang hindi na raw siya umaasa tuwing nanu-nominate siya dahil hindi siya nananalo. Sabi nga niya sa kanyang acceptance speech; “Parang mas sanay lang ako ‘pag Urian na ‘always the bridesmaid, never the bride’, sabi nga nila. Parang mailap daw sa akin ‘yung best actress.”

Pero alam niyang umepek na ang mga dasal ng mama niya dahil tuwing nanu-nominate siya ay sinasabi raw ng mama niya na mananalo na ito. “Hanggang nitong huli, sabi niya, ‘O anak, nominated ka na naman. Ikaw na talaga ‘to! Sabi ko, ‘hindi kay ganun ‘yan mapupunta, alam ko na! Tapos sabi niya, ‘Hindi ako titigil magdasal na magkaroon ka ng Urian!

“Eto ngayon, pakiramdam ko, parang…nagkatotoo na lahat ng dasal ng nanay ko!

“Sa kanya ko iniaalay. And of course sa daddy ko na alam ko na, mag-iikot na naman sa buong town para sabihin na nanalo ang anak niya,” napapangiting pahayag ni Alessandra.

Isa rin si Alex sa ginawaran ng Natatanging Aktres ng Dekada kasama sina Nora Aunor at Angeli Bayani.

Si John Lloyd Cruz ang nag-iisang ginawaran ng Natatanging Aktor ng Dekada at napaka-touching ng acceptance speech nito na parang tula na inihalintulad ang kanyang sining sa paglililok.

Pinasalamatan niya ang lahat na naging bahagi ng kanyang journey sa kanyang pagiging aktor mula kay Reggie Picayo na siyang naka-discover sa kanya, hanggang kina Charo Santos, Carlo Katigbak at mga direktor niyang sina Cathy Garcia-Molina Lav Diaz at Erik Matti, pati ang mga artistang nakatrabaho niya at naging malapit sa kanya na sina Bea Alonzo, Tirso Cruz III at Meryll Soriano.

Touching din ang bahagi ng kanyang pahayag na inaalay niya ang karangalang iyon sa kanyang anak na si Elias. “Nakapaloob sa parangal na ito ang mga pagpiling naglilok at naghabi ng daan ko patungo sa ‘yo. Ikaw ang tunay na karangalan ko,” bahagi ng mensahe niya para sa kanyang anak.

Ang nagwaging Best Actor dito ay si Nan­ding Josef ng pelikulang Lahi, Hayop at Best Supporting Actor ang batang si Micko Laurente ng  Watch List, at nag-tie sa Best Supporting Actress sina Hazel Orencio ng Lahi, Hayop at si Dexter Doria ng Memories of Forgetting, na sinabi niyang nung nabalitaan niyang nominado siya sa kategor­yang ito ay muntik na raw siyang magka-mild stroke, at nanalo pa siya ngayon.

Rabiya, kumpirmado sa agimat…

Sa Oct. 25 na pala magsisimula ang taping ng book two ng Agimat ng Agila ni Sen. Bong Revilla. Excited siya dahil magagaling at hindi pa niya nakakatrabaho ang mga bagong makakasama niya rito.

Ang isa sa excited ang actor/politician ay ang bagong leading lady niya rito, ang Miss Universe-Philippines 2020 na si Rabiya Mateo.

Ibig sabihin, Kapuso na nga si Rabiya at dito sa Agimat ng Agila siya unang isasalang bilang artista.

Ang tanong ng karamihan, wala na ba si Sanya Lopez? Kasama pa rin daw si Sanya, hindi lang masabi kung ano ang role o ang participation niya sa Agimat ng Agila.

Sisimulan na rin kasi ni Sanya ang book two ng First Yaya na magiging First Lady na.

Excited na rin nga si Sanya dahil tiyak na ikatutuwa raw ng mga manonood ang adjustment ni Yaya Melody ngayong si First Lady Melody na siya.

“Ayoko munang ikuwento ang details pero base sa ikinukuwento sa akin nina Direk LA (Madridejos) ay exciting pa lalo ang mga susunod na eksena,” pahayag ni Sanya.

Si Sen. Bong naman ay puspusan ang ensayo dahil kailangan ay payat na siya pagsalang niya sa taping ng Agimat ng Agila.

 

ALESSANDRA DE ROSSI
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with