Bidang aktor at aktres na importante ang role sa teleserye, nagkakainitan sa taping!

May matinding tensiyon na nagaganap sa isang produksiyon. Nag-aalala ang mga katrabaho ng isang sikat na aktor at ng isang kilalang female personality kung saan at hanggang kailan magtatagal at mauuwi ang kanilang hidwaan.

Matagal na ang hindi nila pagkakaunawaan, magaling lang silang magdala, kapag pinanood mo sila sa isang serye ay wala kang mahahalata bilang manonood na may matindi palang tensiyon sa set.

Kuwento ng aming source, “Nag-aalala ang mga katrabaho nila, hindi nila gusto ang mga nangyayari, super-dedmahan ang dalawa nilang kasamahan. Para silang hindi nag-e-exist, wala talaga silang pansinan!

“Wala namang may gustong makialam, mahirap na raw, dahil baka sila biglang patayin sa serye nang walang kalaban-laban!” unang kuwento ng aming source.

Ayon sa mga katrabaho ng sikat na male personality at ng magandang aktres ay nagkaroon sila ng argumento tungkol sa mga eksenang gustong mangyari ng male personality.

Dagdag na detalye ng aming impormante, “Kung sunud-sunuran lang sa male personality ang iba nilang kasamahan, e, iba itong female personality. Thinking actress siya, alam niya ang puwede at hindi, du’n nagalit sa kanya ang male personality!

“Mula nu’n, e, hindi na siya pinapansin ng male persona­lity, hindi na siya kinakausap, nagkakaharap lang sila sa mga eksenang magkasama sila sa serye, pero pagkatapos ng take, kani-kanyang mundo na sila!

“Hindi na kinakausap ng male personality ang girl, kahit pabalat-bunga lang, talagang hindi na niya pinapansin ang babae. E, palaban din naman ang female personality, trabaho lang ang dahilan kung bakit siya nandu’n, kaya wala siyang pakialam kung hindi man siya kinakausap ng bumibida sa serye!

“E, di patayin na lang siya sa palabas, kaso, napakahalaga ng role niya, kailangan siya hanggang sa dulo ng istorya, kaya hindi siya puwedeng tigbakin sa show!” madiing istorya pa ng aming source.

‘Yung ugaling ‘yun ng male personality ang hindi gusto ng kanyang mga katrabaho, marami nang nagbitiw sa produksiyon, hindi sila nagkakasundo ng male personality na nagpapalutang ng power tripping.

“Ilang directors na ba ang umalis sa serye, nasisira kasi ang atake nila dahil sa lalaking personality na ‘yun na kung ano ang maisipan, e, kailangang isaksak sa istorya!

“Kailangan siya ang masunod, ang gusto niya dapat ang mangyari, kahit pa imposible naman ang gusto niyang ipagawa! Gusto niyang sapawan pati ang creative juices ng serye!

“Hay, naku! Kumain na lang kasi siya ng tinapay na ang palaman, e, ang paborito niyang produkto ng niyog!” madiing pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Willie, hindi nagtakaw sa kapangyarihan

Tinuldukan na ni Willie Revillame ang palaging tanong ng bayan kung makikipag-agawan siya ng upuan sa Senado sa darating na halalan? Anim na buwang naging tahimik ang TV host, walang kasiguruhan ang kanyang mga sagot, hanggang sa dumating na siya sa panahon ng pagdedesisyon.

Mapagkumbaba ang kanyang mga pahayag. Siya mismo ang nagtawid sa publiko tungkol sa kanyang mga kakapusan at kahinaan. Diretso niyang sinabi na ayaw niyang masayang ang boto sa kanya ng ating mga kababayan dahil hindi niya kayang panindigan ang mga inaasahan mula sa kanya.

Hindi siya nagtapos ng pag-aaral. Hindi siya mahusay magsalita ng Ingles. Limitado lang ang kaalaman niya sa mga batas. Hindi siya nahiyang sabihin na hindi niya kakayanin ang trabaho ng isang senador.

Itinaas ni Willie Revillame ang kanan niyang kamay na eksaktong larawan ng isang sumusumpa, ang kanyang sabi, “Ako po si Wilfredo Revillame, nanunumpa sa inyo na dito lang po ako sa Wowowin para magsilbi sa inyo. Tuloy-tuloy po ang Wowowin.”

Ang pahayag niyang ‘yun ay iniyakan ng kanyang mga tagasuporta, pinalakpakan ‘yun ng kanyang mga kaibigan, ipinagbunyi ng mga kababayan natin ang pahayag ni Willie na ipagpapatuloy pa rin niya ang pagtulong sa mga kapwa natin Pilipino kahit wala siyang posisyon sa pamahalaan.

Inaasahan na namin ang desisyon ni Willie dahil tuwing magkausap kami ay ramdam namin ang kawalan niya ng interes sa pulitika. Hindi siya matakaw sa kapangyarihan, hindi niya gagawing negosyo ang pulitika dahil sobra pa sa sapat ang meron na siya ngayon, mananatili siyang tutulong sa mga pamilyang nagdarahop.

Humingi siya ng dispensa kina PRRD at Senador Bong Go na masidhi sa pang-iimbita sa kanya para tumakbong senador. Masarap pakinggan ang alok, mataas ang kanyang posisyon sa mga survey, pero alam ni Willie na ang isda ay mananatiling nakatira sa tubig.

Tumawag sa amin si prop na mahabang panahong nag-abang sa desisyon ni Willie, sa pagitan ng pagluha ay sinabi nito, “I’m not crying a river, I’m crying an ocean. Habang kausap kita ngayon, nakasaludo ang kanang kamay ko para kay Willie Revillame.

“What a humble soul, his humility is one for the books, mabuhay siya!” paghanga ni prop kay Willie Revillame.

Show comments