Tatlong kandidato sa mataas na posisyon, binabato na agad ng mga kalaban

Kasusumite pa lang ng COC ng mga artistang papasok sa pulitika, hindi pa man umaarangkada ang kampanya, ay pinag-iinitan na sila sa social media.

Sa darating na eleksiyon ay wala nang entablado de kampanya, birtuwal na lang ang magaganap, at ‘yun ay sa pamamagitan ng social media.

Ipinagbabawal ang literal na kampanya bilang pagsunod sa mga health protocol, lalo na ang social distancing, dahil siguradong mas lalaganap ang COVID-19 sa pagkukumpulan ng audience.

Maraming mabibiyayaan ng trabaho sa darating na eleksiyon, kikita nang malaki ang mga trolls at bashers, sila ang kailangang-kailangan ng mga tatakbong pulitiko.

Kuwento ng aming source, “Mga artista ang target nilang wasakin, ‘yung mga sikat na personalities, alam kasi nila na iba ang panghila ng popularity sa eleksiyon.

“Iba ang labanan sa politics, walang puso, talagang upakan nang todo ang paraan ng labanan. Kung mahina-hina lang ang loob ng pulitiko, e, baka huwag na lang tumuloy,” unang komento ng a­ming impormante.

Tatlong pamosong persponalidad na tatakbo sa iba-ibang posisyon ang ngayon pa lang ay pinaghahandaan na ng kanilang mga kalaban. Pinagmimitingan na sila kung paanong sa simula pa lang ng kampanya ay wasakin na agad-agad.

Balik-kuwento ng aming source, “Sabi nila, e, hindi naman daw nakakatakot ng kalabanin si Male Personality A dahil mahina siya sa pakikipag-argumento. Wala rin daw siyang alam sa panunungkulan, pero bakit nai-insecure sa kanya ang mga kalaban?

“Si Male Personality B naman, e, magaling magsalita, pinaghandaan ang pagtakbo niya, pero hahalungkatin pala ng mga kalaban ang nakaraan niya.

“Nakahanda na ang mga balang papuputukin ng mga kaagawan niya sa position, kesyo suma-sideline kuno ang male personality nu’n sa pagko-callboy!

“Pumayag daw siyang maging boytoy ng isang TV personality dahil sa kanyang mga pangangailangan. Talagang matitinding paghusga ang iba-ibato sa kanya ng mga kalaban!

“Si Male Personality C naman, e, pinaghahandaan na rin, mga anomalya naman ng kanyang pamilya ang gagamitin laban sa kanya. Sobrang insecure sila sa tatlong popular na male personalities, kaya sa umpisa pa lang, e, hindi na nila hahayaang maka-first base sa kampanya!

“Pero bahala na ang mga kababayan natin sa pagdedesisyon kung paniniwalaan ba nila ang propaganda ng mga kalaban, sila ang boboto, hindi ang mga kaaway!” madiing pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Sen. Manny at Yorme Isko, laging inaalala si UK PM!

Sinisimyentuhan na nina Senador Manny Pacquiao at Mayor Isko Moreno ang palibot ng kanilang puso sa pakikipagsuntukan sa buwan ng kanilang pangarap na maging pangulo.

Pareho silang galing sa hirap, naranasan nilang pareho ang hindi kumain nang tatlong beses sa isang araw dahil sa pagdarahop, magkaiba lang ang dinanas nilang kapalaran.

Nagsikap sila para magbago ang uri ng buhay na meron sila, pinagsikapan nila ang anumang meron sila ngayon, at pareho nilang gustong sungkitin ang pinakamataas na posisyon sa ating bayan.

Sa lahat-lahat ng mga kakapusan at paghusgang ibinabato laban sa kanila ngayon ay napansin namin, pareho nilang pinaniniwalaan ang pamanang makabuluhang mensahe ng magaling na banyagang manunulat na si dating UK Prime Minister Winston Churchill, “You will never reach your destination if you always stop and throw stones at every dog that barks.”

Kabisado nilang pareho ‘yun, matatas nilang nasasabi, na totoong-totoo naman. Pabayaan lang nilang mapagod ang mga nangmemenos sa kanila, pokus lang dapat sila sa kanilang trabaho, tutal naman ay walang mayhawak ng bukas at kapalaran ng kahit sino.

Ngayon pa lang magkakaroon uli ng kandidato sa panguluhan na mula sa kahirapan pagkatapos ng panahon ni dating Pangulong Ramon Magsaysay.

Ano raw naman ang mga katangiang meron sina Pacman at Mayor Isko sa malawakang paglilingkod? Anong talino raw ang meron sila para mailigtas ang mga Pilipino sa kahirapan?

Ang nakakalimutang alalahanin ng mga nangmamaliit sa dalawang kandidato ay naranasan na nila ang pinakamatitinding unos sa kanilang buhay. At kapag hinaplit na tayo ng mga bagyo, ang mga susunod pa, ay ambon na lang.

Show comments