Janine at Sunshine, nagpakawais sa paglipat?!

Sunshine at Janine

Noong una nagtaka rin kami kung bakit tumalon sa kabilang network sina Janine Gutierrez at Sunshine Dizon. Pareho silang nagsimula sa GMA Network at binigyan naman ng chances, lalo na nga si Sunshine na bukod sa Encantadia, isinama pa sa isang high-rating series na bida si Gabby Concepion.

Kung sa bagay nauna nang tumakbo sa network sa Mother Ignacia ang naging kontrabida sa seryeng­ iyon na si Ryza Cenon. Magtataka ka sa naging desisyon nilang dalawa dahil lumipat sila sa isang network na walang franchise at ngayon nga ay inaalisan ng mga homegrown stars.

Magtataka ka rin naman na hindi naghabol nang husto ang GMA sa kanilang dalawa, na kung iisipin ban­kable stars naman.

Hindi mo tuloy malaman kung umalis sila dahil sa tsismis noon na nagbawas daw ang GMA ng talent fee ng iba nilang contract stars. May sinasabi ring hindi na sila nag-renew ng contract ng ibang stars.

May sinasabi ring umalis dahil maliit ang talent fee nila tapos nag-aalok nang malaki sa stars ng ABS-CBN na tatalon sa kanila.

Mayroon namang umamin na hindi na ni-renew ang kanilang contract gaya nina Bea Binene at Kris Bernal.

Pero ngayon nga, masasabi mong wise decision ang ginawa nina Sunshine at Janine na tuma­lon sa kalabang network kahit na walang franchise. Ano nga ba ang gagawin nila ngayong lumipat sa GMA si Bea Alonzo, na tiyak na makakakuha ng lahat ng malalaking project at mas malaki ang bayad kaysa sa kanila.

Ngayon mukhang magbabalik na rin sa produksiyon ng pelikula ang GMA, at ang kinukuha ay si Anne Curtis.

Aba mukhang maiiwan na nga ang ibang female stars nila. Maski naman ang male stars eh. Ano nga ba ang nangyari nang lumipat sa kanila si Rayver Cruz, na natuklasan nilang malakas pala ang batak sa audience? Ngayon hindi lang si Rayver, lumipat na rin pati si John Lloyd Cruz. Pati si Xian Lim at may isa pa raw big male star na tatalon na rin sa network sa Kamuning.

Eh siguro nga, ang naisip nina Sunshine at Janine, wala mang franchise ngayon ang ABS-CBN, hindi naman ganun habang panahon. Oras na makakuha ng bagong franchise ang network, tiyak aariba na naman ang kanilang career.

Abangan na lang natin kung sino ang may last laugh.

Gabby, nag-aral na ring mag-tiktok

Wholesome na wholesome ang nabubuong image­ ni Gabby Concepcion, at kung iisipin ay “bumata” pa ang kanyang image sa kanyang katatapos na serye sa telebisyon. Hindi namin alam kung kailan masusundan ang kanyang serye, pero hindi siguro matatagalan dahil maganda naman ang ratings noon, at doon sa overnight rating­ na ginawa sa kanilang finale, mukhang tinabunan niya ang lahat ng katapat nila. Kung ganyan ang ratings mo mukhang puwedeng papanatilihin ni Gabby ang isang young image at ngayong nagpaturo pa nga raw itong mag-TikTok sa kanyang naging leading lady na si Sanya Lopez.­

Si Gabby, halos nasira ang image niya noong masangkot siya sa scam, pero suwerte siya dahil nang magbalik siya ay nakabawi pa, at ngayon hot property na naman siya.

Digital movie ng isang actress, mas bagay na desperada ang title

Tanong sa amin ng isang kritiko, “sa tingin mo, makaka-grand slam kaya ng award ang bida doon sa Desperada?” Tinanong naman namin siya, “may ganoon bang pelikula” Hindi na siya sumagot at ang ipinadala sa amin ay link sa trailer ng isang internet movie.

Nang makita namin ang trailer “desperada” nga. Aywan kung napag-isipan nila kung papaanong makakabawi ng image ang artista nila, at hindi naman maaa­ring laging role ng isang matrona ang gagampanan niya. Mukha ngang “desperate moves” na iyan.

At hindi puwedeng grand slam sa awards iyan. Hindi naman pang-award ang role at dahil ilalabas lang naman iyan sa internet, baka “grand flop” pa ang kalabasan niyan.

May pelikula na bang kumita na ipinalabas lang sa internet? Kung iyon ngang MMFF last year ang naging festival gross ay para lang kita ng isang pelikula.

Show comments