^

Aktor na baon sa utang, unti-unting nakakabayad nang lumipat ng network

UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - May 4, 2021 - 12:00am

Itinuturing na napakalaking hulog ng langit ng isang pamosong male personality ang bago niyang kapalaran sa isang network. Sa isang panahong walang trabaho ang mara­ming artista ay saka naman dumami ang pinagkakakitaan ng kilalang male personality.

Kung matatandaan ay palaging laman nu’n ng mga blind items ang lalaking personalidad na ito dahil sa kalat-kalat niyang pagkakautang.

Marami siyang naabala, pinangakuang babayaran din agad dahil may ibinebenta raw siyang ari-arian, pero walang natupad sa kanyang mga pangako.

Para siyang binagsakan ng langit at lupa dahil dumating pa sa kanyang buhay ang isang matinding paghamon. Nagsarado ang network na pinagseserbisyuhan niya. Paano pa siya makababayad ng kanyang mga utang?

Pero sinuwerte pa rin ang male personality, nagbukas ang pintuan sa kanya ng mga oportunidad, kaya nakaalpas siya sa kanyang mga problema.

Kuwento ng aming source, “Napaka-talented naman kasi niya. Hindi mabobokya ang tulad niya na napakayaman sa talent. Kaya niyang sumayaw, magaling siyang kumanta at the best din siya sa hosting!

“So, lumipat siya ng istasyon, nagsikap siyang magkatrabaho, iniregalo sa kanya ng langit ang isang bilyonaryong producer na buung-buo ang tiwala sa kanya.

“At pati ang namamahala sa kanyang career, e, may mga nakuha ring trabaho para sa kanya, talagang inulan siya ng suwerte!” unang komento ng aming impormante.

Sa kanyang pagkabilang-bakod ay maraming kasamahan niya ang nagalit, puro parinig ang ginagawa ng mga ito, wala raw siyang utang na loob sa istasyong nagpasikat sa kanya.

Balik-chika ng aming source, “Paano siya makapagbabayad ng mga utang niya kung hindi siya lilipat ng network? Wala na halos trabahong maibigay ang istasyon sa kanilang mga artista, maghihintay na lang ba siya?

“Nagbago na ang kabuhayan showcase niya ngayon. Meron nang pumapasok na mga biyaya, kaya nakapagbabayad na siya ng kanyang mga utang. Hindi man biglaan, nakapaghuhulog na siya, nababawasan na ang mga obligasyon niya!

“Maayos na ang pamumuhay nila ngayon ng wife niya, malapit na silang sumuko nu’n, nawawalan na sila ng pag-asa, hanggang sa dumating na nga ang mga shows na ipinagkatiwala sa kanya.

“Kaya hindi na siya ngayon puwedeng tanungin ng ‘Joe, wanna buy watch?’ Nakakabangon na siya!” masayang pagtatapos ng a­ming source.

Ubos!

Julia, na-bash nang bonggang-bongga sa ‘sumbatan’ nila ni Dennis

Bina-bash na naman si Julia Barretto. Parang nu’ng ipanganak ni Marjorie si Julia ay kakambal na ng kanyang inunan ang inis ng bayan.

Maraming magagandang bagay na nagagawa si Julia, pero sa isang iglap lang, burado nang lahat ‘yun at bashing na ang palaging lumulutang.

Matatagalan pa bago makalimot ang ating mga kababayan sa ginawa nila ni Gerald Anderson kay Bea Alonzo. Maaaring nakikita natin silang maligaya ngayon sa piling ng isa’t isa pero sa likod nu’n ay ang kalungkutan din dahil mas maraming kontra sa kanilang relasyon.

Habambuhay na maaalala ang salitang “ghos­ting” dahil may isang Bea na naninindigan na niloko ito nina Gerald at Julia. Hindi panaginip ‘yun kundi isang bangungot.

Heto ang pinakabago. Naging guest ni Julia sa kanyang vlog si Dennis Padilla, ang kanyang ama, sinariwa nila ang mga nakaraang kaganapan sa kanilang buhay.

Nagkaroon ng pagkakataon si Dennis para maglabas ng kanyang saloobin, maraming nakisimpatya sa komedyante, lalo na nang aminin nito na pinawalang-bisa ng korte ang kasal nila ni Marjorie dahil sa una nitong pagpapakasal bago sila.

Pinuruhan ng mga ba­shers ang puntong ipinatatanggal na nina Marjorie at Julia ang apelyidong Baldivia sa kanyang pangalan. Emosyonal na pahayag ni Dennis, Barretto na nga ang ginagamit nitong screen name, pati ba naman ang apelyido ng kanyang ama ay ipinatatanggal pa rin nila ni Marjorie?

Maraming beses silang tinawagan ni Dennis para makausap, pero walang sinumang sumasagot sa kanilang mag-ina, nu’n daw naramdaman ni Dennis ang matinding pangungulila.

Sabi ng isang nakausap namin, “Pinagkakitaan pa ni Julia ang confrontation nila ng father niya. Hindi na lang nila pinag-usapan in private. Pero instead na kampihan siya, bashing pa ang inabot niya ngayon, bait-baitan lang daw talaga si Julia.”

Nakakaawa naman ang batang ito, parang wala nang nakikitang positibo sa kanya ang mga tumututok sa kanyang buhay, palagi na lang siyang sentro ng bashing.

Sabi ng isang direktor na kaututang-dila namin, “Parang pagsasayaw ang pakikipagrelasyon. Kapag mali ang unang hakbang, saliwa na agad ‘yun sa tugtog.”

 

ACTOR
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with