^

PSN Showbiz

Cong. Lucy, may naisip na batas para sa mga artista at singer na naapektuhan ng pandemya

ISYU AT BANAT - Ed de Leon - Pilipino Star Ngayon
Cong. Lucy, may naisip na batas para sa mga artista at singer na naapektuhan ng pandemya
Cong. Lucy

May bagong naisip si Congresswoman Lucy Torres-Gomez. Gumawa siya ng isang panukalang batas, ang HB 8064, na tinawag niyang Online Pinoy Creative Act, na naglalayong mabilisang mag-develop ng market para sa creative artists, kabilang na nga ang musicians, ang mga gumagawa ng pelikula at iba pang sining, at gawing mas simple iyon para mabilis na mapakinabangan at makabalik na sa kanilang propesyon ang ar­tists na lubhang naapektuhan ng pandemic.

Totoo naman, dahil sa pandemic ipinagbawal ang mass gathering kaya bawal ang mga concert. Eh saan ngayon kikita ang musicians, at maging ang singers? Alam naman natin na iyon lang ang kanilang pinagkakakitaan, dahil sa recording naman ay wala halos silang kita. Wala naman silang natatanggap na royalties dahil napipirata lamang ang kanilang mga kanta.

Ganoon din naman ang mga artista at iba pang manggagawa sa industriya ng pelikula. Ano nga ba ang gagawin nila eh sarado rin ang mga sinehan? Kaya ang nangyayari, musicians man o artista sa pelikula at telebisyon, bumabaling ngayon sa online platforms para mabuhay sila kahit papaano. Tinataya ring halos isandaang libong manggagawa ang apektado ng mga paghihigpit na iyan dahil sa pandemya.

Ang sinasabi ni Congresswoman Lucy, hindi lang sila dapat hayaan sa ganoon kundi tulungan pa para naman makapaghanapbuhay sila nang maayos.

Noong isang araw nakita namin ang reklamo ni Loisa Andalio na matagal nang walang kinikita, may inaasahan sanang project ngunit naalis pa. Mayroon pa ngang singer na para lang masuportahan ang kanyang pamilya, dahil wala namang kumukuha sa kanila para sa shows dahil bawal nga ang mass gathering, nagtitinda na lang ng chicharon. May nagtitinda ng kakanin. May gumagawa na ng pan de sal. Eh iyang mga artista na iyan, may kakayahan naman at sapat na popularidad para kumita sa kanilang career.

Kaya nga sabi ni Congresswoman Lucy, kailangang tulungan sila na makapagbukas ng panibagong platforms para sa kanilang talents, nang sa ganoon ay mabuhay naman sila nang disente at naaayon sa kanilang propesyon talaga.

Dapat talaga maging senador na si Congresswoman Lucy.

Tekla, ayaw na munang ma-in love

Hindi na raw muna siya iibig na muli, sabi ni Tekla, o si Romeo Librada sa tunay na buhay. Inaamin niyang masyado siyang nasaktan sa ginawa sa kanya ng dati niyang live-in partner na si Michelle Banaag, na matapos ang anim na taong pagsasama, at kung kailan sila nagkaroon ng anak, at saka siya ginawan ng kasong hindi naman totoo na muntik nang ikasira ng kanyang pagkatao at maging ng kanyang career.

Inaamin ni Tekla na “masyadong masakit ang nangyari, kaya siguro magpa­palipas muna ako ng panahon, at kung iibig man akong muli, hindi pa sa ngayon.”

Kung kami naman ang tatanungin, dapat lang namang madala na si Tekla. Hindi talaga simple ang pinagdaanan niyang iyon. Talagang sinira ang kanyang pagkatao. Mahirap na basta na lang kalimutan at lunukin ang ganoon katinding mga bagay.

Paggamit ng news programs ng mga lit­rato/video ng netizens pinababayaran na

Pinag-uusapan ngayon ang nakagawian na ng news and public affairs programs na paghingi ng impormasyon, o video, kahit na larawan ng mga event mula sa mga karaniwang taong nakakuha ng mga balita, pinapipirma pa ang mga iyon na pinahihintulutan nila ang TV station na gamitin ang kanilang material hindi lamang sa TV kundi maging sa internet o iba pang platforms, nang walang bayad.

Iyong mga materyales na iyon, oras na gamitin na nila sa ibang platforms ay pinagkakakitaan nila, dahil ang social media, nagbibigay sa kanila ng bahagi ng kita sa advertising. Iyong istasyon nila ay kumikita rin sa commercials, at bilyon ang kanilang kinikita, pero iyong mga taong hini­hingan nila ng materyales ay ni ayaw nilang partehan ng kinikita nila mula sa mga materyales na nakuha nila.

Medyo unfair nga ang ganyang sitwasyon, lalo’t kung iisipin ngang bilyon ang kinikita ng networks ngayon lalo na ng telebisyon, tapos iyong ibang kinukunan nila ng balitang hindi nasagap ng kanilang reporters ay hindi man lang nila binabayaran.

vuukle comment

LUCY TORRES-GOMEZ

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with