Jinggoy, nag-i-interview na rin

Jinggoy

Alam mo, Ateng Salve, kung nanonood ka ng JingFlix Facebook show ni former Senator Jinggoy Estrada (under his official page), tiyak na maaaliw ka sa kanya!

Bukod kasi sa namimigay siya ng prizes sa game segment ng show at may mga tinutulungan siyang nangangailangang kababayan natin, may interview segment din siya kung saan ay may iba’t ibang celebrity siya na guest.

Noong Wednesday, guest niya si Ogie Alcasid.

Masaya ang tsikahan nila kahit pa nga medyo hindi siya marinig ng mister ni Regine Velasquez-Alcasid. Kumanta na nga lang noong una si Ogie dahil hirap siyang maintindihan ang mga itinatanong ni Jinggoy.

Nang medyo ok na, nakapagtsikahan na silang dalawa at bago matapos ‘yon ay may ibinuking si Jinggoy.

Tinanong muna niya si Ogie kung kasama ba nito ang misis na si Regine, kaya akala ko ay gusto niyang isama sa iinterbyuhin nila ang Asia’s Songbird.

‘Yun pala, magpapasintabi siya kay Regine dahil may ikukuwento siya tungkol sa isang naging girlfriend ni Ogie noong kabataan ng singer/songwriter.

Kuwento ni Jinggoy, may niligawan daw kasi siya na wala siyang kaalam-alam ay girlfriend na pala ni Ogie.

Sabi naman ni Ogie, nag-aaral kasi siya noon sa UP Los Baños at nabalitaan niya na niligawan nga raw ni Jinggoy ‘yung girlfriend niya that time.

In fairness sa girl, naging honest naman ito kay Jinggoy at sinabing boyfriend nga nito si Ogie. Hehehe!

After nga pala ng interbyuhang ‘yon ay tinanong ako ni Jinggoy kung ano ang puwede niyang iregalo kay Ogie. Tuwang-tuwa kasi si Jinggoy sa mister ni Regine dahil ang bilis umoo ni Ogie nang magpasabi siya na gusto niya itong mag-guest sa kanyang JingFlix online show. Sabi naman ni Ogie, walang dapat alalahanin si Jinggoy dahil natuwa rin siya nang mapanood na may mga taong tinutulungan ang dating senator sa Facebook page online show nito.

So nice! Actually, ang mag-asawang Ogie at Regine naman, napakarami ring ginagawang charity works!

Sarap din kasi na nakakatulong sa kapwa, ‘di ba, Ateng Salve?!

Kaibigang aktor ng komedyante, fake news ang chika

Mukhang busy na talaga ang comedian/TV host na ito, pati ang iba niyang mga kaibigang aktor din at dating kasamahan sa isang management company.

Parang hindi na kasi sila updated sa mga nangyayari sa kani-kanilang mga career. Nang makatsikahan ko kasi si comedian/TV host ay naikuwento niya na parang nasa TV5 na raw ang kaibigang aktor at tila may posisyon sa nasabing TV network.

Parang nagduda naman ako dahil ang alam ko ay nasa GMA 7 pa rin ang aktor at isa nga sa stars ng Kapuso network na may guaranteed contract.

So, tinanong ko ang isa sa lady executives ng Siyete kung connected pa ba sa kanila ang aktor na kaibigan ni comedian/TV host at “Yes!” ang sagot ng taong ‘yon. So, Ateng Salve, talagang kailangan talagang mag-verify muna ng mga kuwento bago isulat kasi mali nga ang tsinika sa akin ni comedian/TV host tungkol sa aktor na kaibigan niya, huh! Hehehe! ‘Yun na!

Show comments