Bagong direktor NG ASAP, dating dancer!

Alam mo, Ateng Salve, gandang-ganda ako sa ASAP Natin ‘To habang nanonood sa Kapamilya Channel kahapon. Naisip ko nga, “Sino na kaya ang direktor ng show ngayong nasa TV5 na si Mr. M (Johnny Manahan)?”

Maya-maya, tumatawag naman sa akin si Annabelle Rama. Gandang-ganda rin siya sa Sunday musical noontime show ng ABS-CBN.

Nagtanong siya sa akin, “Sino ang direktor ng ASAP (Natin ‘To)?”

So, ang ginawa ko, ipinagtanong ko. Isa sa mga tinanong ko ay ang ASAP Natin ‘To head na si Lui Andrada. “Si Joanne Laygo,” sagot ni Lui at sinabi ko nga na gandang-ganda sa show nila si Bisaya, “Pakisabi kay Tita Annabelle, salamat!” In fairness sa ASAP Natin ‘To, kahit hindi sila napapanood ngayon sa free channel, mas bongga pa ang effort na ginagawa nila para lalong mapaganda ang show, huh!

Anyway, kuwento naman ng ibang pinagtanungan ko, dati palang dancer ng Hotlegs si Direk Joanne.

Vina, hindi naabutan ang magnanakaw ng cellphone sa EDSA

Kahapon ay ka-text ko sa pamamagitan ng Viber app ang actress/singer na si Vina Morales. Ang tungkol sa nang-snatch ng cellphone niya ang tinanong ko sa kanya. Noong Friday kasi ay na-snatch sa EDSA ang iPhone XS Plus ni Vina. “Traffic kasi, nasa harap kami ng Phoenix gasoline station sa EDSA. Hindi ko napansin na bukas pala ng konti ‘yung isang window ng car ko, ayun, hinablot sa akin ‘yung phone. Yung na­ging reaction ko, hinabol ko ‘yung snatcher. Pero hindi ko inabutan. Marami namang mabubuting tao na tumulong sa amin, thankful ako sa kanila.

“Sabi ng mga tumulong, apat daw ‘yung magkakasama, ‘yung nang-snatch ng phone ko. Marami raw talaga sa lugar na ‘yon, kaya ingat lang.  Ayoko na ring isipin kung ano ang puwedeng nangyari kung inabutan ko ‘yung snatcher (nagma-martial arts din si Vina). Thankful na lang ako na walang nasaktan. Saka phone lang naman ‘yon, puwedeng mapalitan. Basta walang nasaktan,” sabi niya.

‘Yung pictures and videos naman daw sa phone na ‘yon ay naka-save sa iCloud, kaya na-recover naman niya at sa ngayon ay old phone muna ang gamit niya.

Naku, kung ikaw kaya ang ma-snatch-an ng cellphone, Ateng Salve, hahabulin mo rin ba ang snatcher at patitikim ng kaalaman mo sa Muay-Thai? Well… ‘Yun na!

Show comments