JoshLia buo na uli, maraming realizations

JoshLia

Apat na taong magpapalaya sa kanilang tunay na nadarama ang mapapanood sa dalawang kwento ng pag-ibig na handog ng original digital special na  Love Unlock na eksklusibong mapapanood sa Kapamilya Online Live ngayong Sabado (Agos­to 15), 7:30 p.m.

Mapapanood sa palabas ang muling pagsasama ng tambalan nina Julia Barretto at Joshua Garcia, at Gerald Anderson at Arci Muñoz sa back-to-back mini movies.

Mapapanood sa E-numan sina Julia at Joshua bilang dating magkasintahan na muling mag-uusap sa isang online reunion kasama ang kanilang mga kaibigan. Sa gitna ng pagbalik nila sa nakaraan, mabubuksan ang mga alaala na muntikan nang sumira sa kanilang barkada at muling magdudulot ng gulo sa kanilang samahan.

Sa Hook-Up, ay mapapanood naman sina Gerald at Arci bilang magkasintahang susubukang ipadama ang init ng kanilang pagmamahalan gamit ang online video call. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, mauuwi ito sa pagdiskubre sa mga sikretong babago sa takbo ng kanilang relasyon.

Ang Love Unlock ay sa ilalim ng direksyon ni Dado Lumibao.

Kahapon ay nagkaroon ng press launching via virtual presscon ang mga bida ng Love Unlock. Pero hindi sabay-sabay.

Naunang nagpa-interview ang mag-ex na sina Julia and Joshua (JoshLia) na ngayong ay ‘buo’ na uli

Friends na uli sila at wala raw awkwardness na naganap habang sino-shoot nila ang E-numan virtually.

Matibay daw kasi ang friendship nila kaya hindi natibag ng kanilang controversial break up noong 2019. “Wala naman. Magkalayo man kami, pero hindi kami nawalan ng connection sa isa’t isa,” pagkumpirma ni Joshua kahapon.

Sabi naman ni Julia “It was nice to be working with him again. Iba ‘yung pagkakaintindihan namin kapag umaarte na kami. It was so easy to do the scenes. Naiintindihan na namin kung ano magiging atake namin.”

Dagdag pa ng Kapamilya star : “And I took this project because I was so excited to be reunited with Josh, the last project we did together was Block Z and that was a year ago. Na-excite ako na makatrabaho siya ulit.

“Iba ‘yung connect namin talaga ‘pag umaarte na kami kaya, kahit through Zoom lang siya, it was easy to do scenes. Naiintindihan na namin if we wanted to do another take, kung anong magiging atake namin. Everything came so naturally,” chika pa ni Julia sa ilang entertainment press na invited sa Zoom presscon.

Nabanggit din ng JoshLia na pareho silang mara­ming naging realizations habang nasa bahay lang.

Si Julia ay nagkaroon ng routine habang nag-iisa sa bagong pagawa niyang bahay.

Si Joshua naman ay na-realize na marami pa pala siyang puwedeng gawin. “Dami ko pa palang kayang gawin. Natuto akong magbasa ng libro. Dami kong na-realize na sinayang kong araw nung pwede pa pala akong lumabas. ‘Pag nagkaroon ako ng chance na lumabas ulit, susulitin ko talaga.”

Tinawagan din daw niya ang mga kaibigang hindi niya nabigyan ng oras nu’ng super busy siya sa trabaho.

Bago pa ang presscon kahapon ay nag-trending ang JoshLia.

Nauna na kasing nag-upload si Julia ng poster ng E-numan na may caption na “Cheers.” Sumagot si Joshua : “Cheers @barrettojulia ! Thank you sa followback. HAHAH.”

Buwelta uli ni Julia : “Wag ka abangers tonight, bukas na kita follow back” na sinagot uli ni Joshua ng “May pa-unfollow unfollow pa kasi. sige, papaburger ako.”

Show comments