Female personality umasenso ang kabuhayan showcase sa kaka ex-deal

Maayos sa buhay ang isang kilalang personalidad. Pero sa pananaw ng kanyang mga katrabaho at kaibigan ay sumosobra naman ang pagiging masinop niya sa buhay.

Hanggang kaya niyang idaan sa thank you na lang ang lahat ng pangangailangan ng kanilang pamilya ay hindi talaga siya naglalabas ng pera.

Kuwento ng isang source, “Magaling siya, hanggang makatitipid siya, e, gagawin niya ang lahat-lahat. Hindi naman sila kinakapos ng husband niya, maganda naman ang pasok ng pera sa kanila, pero nakasanayan na niya talaga ang pakikipag-ex-deal na lang,” unang kuwento ng aming source.

Totoo ang sinabi ng impormante. Nairaos ng female personality ang mahahalagang yugto ng buhay nilang mag-asawa na halos wala silang inilabas na pera, puro thank you lang ang naging kapalit ng mga pabor na nakuha nila.

Dagdag na kuwento ng aming source, “Siya ang reyna ng giveaways sa network nila. Thank you lang din ang kapalit ng mga produktong nakukuha niya, pinasasalamatan lang niya sa programa niya.

“Imagine, nu’ng magpakasal sila, halos lahat ng kinailangan nila, e, puro donasyon lang. Cate­ring, venue, mga giveaways sa kasal nila, natiway lang niyang lahat ‘yun!

“Wala silang inilabas na datung, talagang expertise nu’ng female personality ang paghahanap ng paraan para makatipid sila!

“Heto pa. Nanganak siya, ganu’n din ang ginawa niya. Nakipag-usap siya sa isang malaking hospital, na-convince niya ang management na manganak siya ng libre, pero madalas niyang pasasalamatan ang hospital.

“Ang galing-galing niya talagang pumaraan, kung papasukin nga niya ang pagiging wedding planner, e, baka mairaos niya ang kasalan nang wala siyang ginagastos!

“Kanya na lang ang sisingilin niyang talent fee dahil puro ex-deal lang ang gagamitin niya sa wedding tulad ng mga bulaklak, cake, puwede nga rin niyang maihirit na libre na rin ang venue at pasasalamatan na lang niya sa show niya!

“Napakasuwerte naman ng husband ng female personality, napakalaki ng natitipid nila, pati sa pagbiyahe nila sa iba-ibang bansa, nakaka-jackpot din ang girl ng promo!

“Hindi sila maghihirap, maraming alam na paraan ang female personality para sila mabuhay nang maayos. Hindi siya mababaw, malalim siya, lalo na tungkol sa kabuhayan showcase nila,” pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Kris ayaw mamuhunan sa sariling programa

Nakaabang ang marami tungkol sa kahihinatnan ng pagbabalik-TV ni Kris Aquino. Talaga raw bang kanselado na ang kanyang show sa TV5 o naghihintay lang ng mas magandang panahon ang paglulunsad sa kanyang programa?

Hindi raw kasi maganda ang buwan ng Agosto bilang ghost month, mahilig sa feng shui si Kris, kaya puwedeng ipagpaliban lang muna ang nakakasa na sana niyang Love Life With Kris sa August 15.

Pero hindi, sabi ng aming source, umurong na ang prodyuser ni Kris, hindi na raw puwedeng sulsihan ang gawak ng kanilang hindi pagkakaintindihan, kaya umere man ang programa ay ibang prod­yu­ser na ang mamumuhunan para sa pagbabalik-telebisyon ni Kris.

Nakakaalarma ang ganitong kuwento. Kung matatandaan ay may namuhunan din ng show ni Kris sa GMA-7. Maayos naman sila nu’ng una, pero pagkatapos lang nang ilang episode ay bumaklas din ang prodyuser ni Kris, hindi naging maganda ang kanilang paghihiwalay.

At mukhang nagkrus ang dila ng dating prodyuser ni Kris, nang mabalitaan nitong magkakaroon na uli ng show sa TV5 ang aktres-TV host ay sinabi nito, “Good luck na lang sa kanila.”

Heto na nga. Naghahanap ng bagong prodyuser ang Cornerstone para kay Kris. Sarado na raw kasi ang pintuan ng nakuha nilang prodyuser, sumuko na ito kay Kris, kahit pa mahabang sakripisyo ang pinagdaanan nito para lang matuloy si Kris sa TV5.

May mga nagbibigay ng opinyon na para wala nang magiging problema ay bakit kasi hindi na lang si Kris ang mamuhunan para sa kanyang show?

Tutal naman ay sobra-sobra ang kanyang salapi, kayang-kaya niyang sugalan ang kanyang career, siya pa ang masusunod sa lahat ng aspeto ng show na isa sa mga naging dahilan ng away nila ng kanyang bagong producer.

Pero may pride si Kris. Kung sa kaya ay sobra pa ang kanyang kapasidad para magprodyus ng sarili niyang show pero siyempre’y ayaw niya namang lumabas na kung hindi pa siya ang gumastos ay wala siyang show.

Show comments