Bansot na male personality na walang utang na loob, walang mapuntahan
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - July 4, 2020 - 12:00am

Dahil sa mga indultong nagaganap ngayon sa karera ng mga artistang gusto mang magtrabaho ay wala nang masulingang paraan ay naaalala ng marami ang mga personalidad na nu’ng kasagsagan ng kanilang karera ay nagpakawala ng mga salitang kinakain na nila ngayon.

Ang nangunguna sa listahan ay ang male personality na nagsimula sa isang network, biglang lumipat uli sa isa pang network, pagkatapos ay nagtapos ang kanyang biyahe sa isang higanteng istasyon.

Kuwento ng aming source, “‘Yung bansu­ting male personality na ‘yun na walang utang na loob, ano na kaya ang naiisip niya ngayong wala na pala siyang hanapbuhay?

“Naaalala n’yo pa ba ang buong-ningning na sinabi niya nu’n na nagsimula nga siya sa isang istasyon. Nu’ng lumipat daw siya sa ikalawang istasyon, e, parang wala namang nangyari sa kanyang career!

“‘Yun daw ang dahilan kung bakit siya lumipat sa higanteng network, alam daw niyang du’n matutupad ang matagal na niyang pangarap!

“At nabigyan naman siya ng mga projects, sunud-sunod, magaganda ang roles na ginampanan niya! Buhay na buhay ang career niya!” unang sultada ng aming impormante.

Nagpista ang karera ng bansuting male personality sa bago niyang network. Hindi siya magkandaugaga sa dami ng kanyang trabaho. Drama. Action. Comedy.

Balik-komento ng aming source, “Pero wala ngang forever. Walang mayhawak ng kinabukasan. Sino ba ang mag-aakala na may magaganap palang matinding indulto sa network na nilundagan niya?

“Sino ba ang mag-iisip na totoo pala ang istoryang how the mights has fallen? Naisip ba niyang mawawalan pala siya ng trabaho?

“Ngayong wala na siyang masusulingan, babalik kaya siya sa network kung saan siya nag-umpisa? Babalik din kaya siya sa network na sinabi niyang wala namang nagawa sa career niya?

“‘Yun ang mahirap sa pagsasalita nang tapos! Nagmamarka ‘yun, hindi nakakalimutan, isusumbat ‘yun sa kunsensiya niya ng panahon!

“Kung gaano kaigsi ang name niya, e, ganu’n din ang memorya niya! Wala siyang utang na loob, takleso kasi siya!” pagtatapos ng napapailing naming source.

Ubos!

Super Tekla, tinulungan ni Willie sa pagpapa-opera ng anak na walang puwet

Umiikot talaga ang gulong ng buhay. Minsan tayong nasa ibabaw, minsang nasa ilalim, pero ang mahalaga ay tumatakbo pa rin ang sasakyan.

Dating co-host ni Willie Revillame sa Wowowin si Super Tekla. Magaling na komedyante, natural ang kanyang atake, inalagaan siya ni Willie.

Dahil sa Wowowin ay nagkaroon ng mga shows sa iba-ibang bansa si Super Tekla. Niyakap ng publiko ang pinanggalingan niyang kahirapan na binago ni Willie.

Pero isang araw ay nahuli siyang natutulog ng staff habang nagte-taping sila. Bigla na lang siyang umalis sa programa. Hindi siya pormal na nagpaalam kay Willie. At mula nu’n ay hindi na sila nagkaroon ng komunikasyon.

Nasa gitna nang matinding problema ngayon si Super Tekla. Ipinanganak si Angelo na walang butas ang puwet. Kailangan itong maoperahan. Malaki ang aabutin ng proseso.

Wala siyang trabaho ngayon, puro replay ang show nila ni Boobay, nagsarado pa ang mga comedy bar. “Kung tulad lang nang dati ito, isang sampa ko lang sa entablado, tapos na ang problema,” lumuluhang pahayag ng komed­yante.

Tumawag siya kay Donita Nose, co-host ngayon ni Willie sa Tutok To Win, humihingi ng tulong kay Willie ang problemadong komedyante.

Hindi siya pinagdamutan ng kanyang kuya, kinalimutan na nito ang naganap sa pag-alis niya sa Wowowin, bukas ang puso ng TV host sa pagbibigay ng tulong sa kanya.

Ganu’n kung magbiro ang kapalaran. Hindi tayo dapat nagpuputol ng tulay na isang araw ay tatawiran din natin.

Willie na-master na ang pagtulong

Pinakamagandang linya ng negosyo ang pinasok ni Willie Revillame, ang mula sa pusong pagtulong sa mga nangangailangan, kaya ang balik sa kanya ay doble-triple o higit pa.

Kailangang butas ang ating palad sa pagtulong para may butas ring papasukan pabalik ang mga biyaya. Mabuting puso lang ang puhunan, natutuwa ang Diyos kapag hindi tayo nagdadamot, dahil ang lahat naman ng meron tayo ay sa Kanya lang nanggagaling.

Alam na alam ‘yun ni Willie Revillame.

 

 

PERSONALITY
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with