Sampal serye nina Zanjoe at Cristine, mapapanood uli

Napapanood na uli ang teleseryeng Tubig at Langis na pinagbibidahan nina Zanjoe Marudo, Isabelle Daza, at Cristine Reyes na napapanood na mula Lunes hanggang Biyernes, 9:45 PM sa ABS-CBN.

Isa ang tinaguriang “sampal serye” sa most requested shows na ibalik sa ere dahil bukod sa kwento nito tungkol sa mga magulang na handang gawin ang lahat para sa anak, mainit ding pinag-usapan ang mga makapigil-hiningang harapan ng mga karakter nito.

Maalalang sinundan nito ang kwento ni Irene (Cristine), isang mapagmahal na single mom na muling iibig at ikakasal sa kababata niyang si Natoy (Zanjoe). Mabubuo na sana ang inaasam nilang pamilya, ngunit masisira ito sa pagdating ni Clara (Isabelle) – aksidente itong mabubuntis ni Natoy at paninindigan ang dala-dalang bata.

Gabi-gabing masusubaybayan ang  Tubig at Langis  sa ABS-CBN Primetime Bida pagkatapos ng TV Patrol, ang inspirational series na May Bukas Pa, On the Wings of Love nina Nadine Lustre at James Reid, at Wildflower ni Maja Salvador. Pagkatapos naman ng Tubig at Langis, mapapanood ang Chinese drama na Story of YanXi Palace at Tonight With Boy Abunda.

Show comments