Iza
Art at Sylvia naagapan ang virus
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - April 2, 2020 - 12:00am

Wala talagang nakakaalam kung kailan at sino ang kakapitan ng COVID-19. Matinding pinagpapayuhan ang lahat na para makaiwas sa corona virus ay ugaliin nating maghugas ng mga kamay.

Meron pang bilang ng minuto kung paano ang paghuhugas, para mas epektibo ang proseso ay kailangan nating gumamit ng alcohol, ganu’n katindi ang malawakang ipinapayo ng DOH.

Dahil nagpositibo sina Christopher de Leon, Iza Calzado at ngayon ay ang mag-asawang Art Atayde at Sylvia Sanchez sa COVID-19 ay nakakaalarma na ang salot na ito.

Huwag sabihing hindi sila naghuhugas ng kamay at hindi rin sila gumagamit ng alcohol at sanitizer, wala pa ang epidemya ay malilinis na sila sa katawan, pero bakit pinuntirya pa rin sila ng virus?

Sa White Plains nakatira ang pamilya nina Art at Ibyang, isang eksklusibong subdivision na bago makapasok ang hindi tagaroon ay sobrang binubusisi muna ng mga guwardiya sa gate, kanino sila nahawa?

Nakakanerbiyos ang mga ganitong balita dahil parang wala nang sinisino ang corona virus. Sabi ay mas mabilis daw kapitan ng mikrobyo ang mga nakatira lang sa estero, nagsisiksikan kasi ang mga naninirahan du’n, hindi rin nila masyadong tinututukan ang kalinisan dahil ang ibibili nila ng alcohol ay ipambibili na lang nila ng bigas.

Paano natin ngayon hahanapan ng katwiran ang pagkakaroon ng corona virus ng mga bukod na pinagpala, ng mga kababayan nating sagana sa pananggalang sa mikrobyo, ng mga taong sobrang linis pa nga sa kanilang katawan?

Sinusulat namin ang kolum na ito ay nakarating sa amin ang impormasyon na bumubuti na ang kundisyon nina Art at Sylvia. ‘Yun ang resulta ng maagap na pagpapagamot.

Sa maagang panahon ay nabibigyan agad ng lunas, mahirap nang maghabol kapag malala na ang sakit, ‘yun ang delikadong kundisyon.

Iza gumaling sa pagiging positibo

Kumbaga sa isang beauty queen ay mabilis na tinanggalan ng korona si Iza Calzado na nagpositibo sa corona virus. Naagapan din ang kanyang sitwasyon.

“Nasa akin ang corona,” nagbibiro pang sabi ng magaling at magandang aktres. Sabi naman ng kanyang manager na si Noel Ferrer ay okey lang pero sana’y wala nang maganap na seremonya ng paglilipat ng korona.

Nakalabas na ng ospital si Iza nu’ng Martes, ligtas na siya sa peligro, pero hindi du’n nagtatapos ang gamutan.

Napakalaking tulong kay Iza ang panalangin ng kanyang mga kapamilya at kaibigan, sa panahong nakikipaglaban tayo sa giyera ng karamdaman ay gumagawa ng milagro ang mga dasal, bukod sa medisina ay totoong-totoo namang sa isang makapangyarihan kamay lang tayo umaasa at humihingi ng awa.

Dagdag din sa mabilisan niyang paggaling ay ang napakapositibong konbiksiyon ng aktres. Palaging sa maganda siya tumitingin, hindi sa negatibo, mga doktor na mismo ang nagsasabi na takot ang kadalasang nagiging dahilan ng paglala ng pasyente.

Mabuting kaluluwa si Iza Calzado. Maganda siya sa loob at labas. Isa siya sa nagmamay-ari ng mga matang hirap na hirap magsinungaling.

Bingo nang-aaliw sa ECQ

Kapag ang bawat sulok ng inyong bahay ay malinis na, kapag ang mga punit-punit na damit ay nasulsihan-natahi mo na, ay ano pa ba ang mapagtutuunan mo ng pansin sa isang panahong bawal kayong lumabas ng bahay?

Eksaktong mahigit na dalawang linggo na ngayon ang enhanced community quarantine. Napakabagal ng takbo ng oras, masakit din sa likod ang palaging nakahiga lang, masarap regaluhan ng pahinga pero hindi naman ganito katagal.

Nakaisip sina Japs Gersin at Tina Roa, nagpabili sila ng bingo, kasama ang aming mga kasambahay ay nakapaglilibang sila.

Muli naming narinig ang mga terminong “Jaworski” na 7 ang ibig sabihin. Ang “Highway 54,” ang “Sweet Sixteen,” ang “Babaeng nakaluhod” na numero dos ang kailangan mong tantusan sa karton.

At meron pa, “Ang paboritong posisyon ng mga nagmamahalan!” Hanapan sila agad ng numero 69 para lagyan ng panantos na beads.

Haaay! Mabuti na lang at ipinaliwanag ng Palasyo na fake news ang kumakalat na balita na magkakaroon daw ng ekstensiyon ang lockdown hanggang sa Mayo.

Isasarado raw ang mga grocery, ang palengke, ang mga bangko at iba pang mga establisimyento. Totoo namang isang napakalaking pekeng balita na hahabaan pa ang ECQ.

Ano ito, lokohan?

IZA CALZADO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with