‘Nakakapanibago ang nangyayari sa kapaligiran’

Dahil sa pinaiiral na heightened community quarantine sa buong Luzon ay parang namumuhay tayo ngayon sa isang bagong mundo. Napakaraming negatibong epekto ang COVID-19 sa buong pamayanan.

Bagsak ang ekonomiya dahil sa pagsasara ng mga malls, tanging ang grocery section lang nila ang bukas para sa mga pangunahing pangangailangan ng ating mga kababayan, sarado ang mga restaurant at bar at marami pang ibang establisimyento.

Piling-pili lang ang mga sangay ng mga bangko na bukas ngayon, skeletal staff lang ang nagtatrabaho, dahil sa pagsunod sa social distancing ng DOH at ng ating pamahalaan.

Laganap ang checkpoint, isinasarado na ang SLEX at NLEX, ang tanging nakapapasok at nakalalabas lang sa NCR ay ang mga kababayan nating may hawak na dokumentong nagpapatunay na maaari silang palampasin sa highway.

Ang mga medical staff, mga nagtatrabaho sa mga sangay ng pamahalaan na kailangang-kailangan ang serbisyo, sila lamang ang mabilisang pinadadaan kakambal ang pagkuha sa kanilang temperatura.

Nakakapanibago ang kapaligiran ngayon, nakakatakot ang sitwasyon, lalo na’t walang pinipiling estado sa buhay ang pandaigdigang mikrobyong nambubulabog ngayon.

Sharon at KC, nagkasundo sa gitna ng virus

Sa kabila ng mga hindi kagandahang kaganapan ay meron rin namang sumisingit na positibong balita. Pambalanseng matatawag ang ganu’ng sitwasyon.

Ang ilang buwan nang pinagpipistahang hindi pagkakaunawaan ng mag-inang Sharon Cuneta at KC Concepcion ay natuldukan na.

Kung matatandaan, mga unang araw ng Enero nang maramdaman ng buong bayan ang kanilang hidwaan, sa mismong selebrasyon ng kaarawan ‘yun ng Megastar sa ASAP Natin ‘To.

Naglabas ng saloobin on national television si Sharon na patama sa kanyang panganay na anak, isang naghahanap na ina ang umiiyak na nagsabing apat ang kanyang mga anak, pero mukhang nakalimot ang isa.

Mula nu’n ay iba-ibang bersiyon na ng kuwento ang naglabasan. Parang diary na pinagsumbungan ni Sharon ang kanyang social media account, lalong napraning ang marami dahil sa kanyang mga posts na ipinalagay ng mas nakararami na patama sa kanyang panganay na si KC.

Pagkatapos ng tatlong buwan ay nabuo na ang tulay sa pagitan ng mag-ina. Malalambing na mensahe na uli ang mababasa sa mga posts ng Megastar para kay KC.

Meron siyang hashtag na ‘stil my baby no matter what,’ ‘I love you now and forever at only one mommy forever.’

Sinagot naman ‘yun ni KC ng “Thank you, Mama,” na may kasama pang rose emoji, na binalikan naman ni Sharon ng “You are welcome. I love you no matter what. That will never change.”

Hindi ba naman sa isang panahong binabalot ng lungkot at takot ang buong sambayanan ay napakasarap sa pakiramdam ang malamang magkasundo na uli ang mag-ina ngayon?

Totoong hindi sila ang gamot sa COVID-19, totoo ring hindi mahaharang ng mag-ina ang paglaganap ng nakamamatay na mikrobyo, pero masarap isipin na sa gitna ng kalungkutang namamayani ngayon ay may positibo ring hatid ang panahon.

Natulayan ang kanilang hidwaan, hindi nila pinabayaang may pader na humaharang sa kanilang relasyon bilang mag-ina, at si Sharon ang unang gumawa ng hakbang para ‘yun mabigyan ng solusyon.

Inimbitahan niya ang ating mga kababayan na suportahan ang bagong You Tube channel ng kanyang anak. Tinawag niyang baby number one si KC sa kanyang apela sa publiko.

Ano nga ang sabi? Makakayang tiisin ng anak ang kanyang magulang pero hinding-hindi magagawang tiisin ng magulang ang kanyang anak.

Minsan pang napatunayan ang katotohanang ‘yun sa relasyong Sharon at KC. Anuman ang naganap sa kanila, anumang pagkukulang ang naging dahilan ng kanilang hidwaan, ang lahat ay maaaring palampasin at kalimutan para sa isang maayos na relasyon.

Magkarugtong ang kanilang pusod, galing si KC sa sinapupunan ng kanyang ina, magputukan man ang lahat ng mga bulkan sa buong mundo ay mananatiling matibay ang kanilang pundasyon.

Show comments