Young actress puro iyak lang ang ginagawa sa mga pagpapahirap ng nanay!
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - January 14, 2020 - 12:00am

Nakihalo na rin sa mga nanay ng mga artistang binibira sa social media ang mommy ng isang young actress. Pinakakain siya ngayon ng ampalaya ng mga tagahanga ng kanyang anak.

Pinalalagok din siya ng apdo ng mga netizens na naaawa sa kanyang anak na palagi na lang niyang ipinahihiya sa publiko.

Kuwento ng aming source, “Nakakaawa naman ang young actress na ‘yun. Walang nakikitang maganda sa kanya ang mommy niya. Palagi na lang siyang inilalaglag sa social media.

“Parang ginagaya niya ngayon ang isang singer-actress na sikat na may problema ring bitbit tungkol sa anak niya. Nakisali na rin ang nagkokontrabidang personality na ito sa uso!”  naiinis na kuwento ng aming impormante.

Dati nang nagkaproblema ang mag-inang ito, umalis sa kanilang bahay ang young actress, dahil hindi na nito makayanan ang mga ginagawa ng kanyang mommy.

Patuloy ng aming source, “Nakakaawa ang batang ‘yun. Palaging namumugto ang mga mata niya kapag dumarating sa set. Isa lang ang dahilan nu’n. Kinatkatan na naman siya ng mommy niya nang walang patumangga!

“Di nga ba, nagpapasundo at hatid na lang siya sa production kapag may taping at shooting siya dahil ayaw ipagamit ng mommy niya sa kanya ang car nila?

“Sadya ring pinaaalis ng mommy niya ang family driver kapag may trabaho siya, kaya walang choice ang bata kundi ang magpasundo na lang sa service ng production.

“Mukhang ang pagpapahirap na nga yata sa kanya ng mommy niya ang pinaghuhugutan ng girl sa madadrama niyang eksena, e! Kita n’yo naman, napakabilis niyang umiyak!

“Maisip pa lang siguro niya ang mga pinaggagagawa ng mismong mommy niya, e, napapaiyak na agad siya! Nakakaloka, siya pa mismong ina ang nagsasabi na kapag nakilala raw ng mga tao ang anak niya, e, siguradong hindi nila magugustuhan!

“Nakakaawa naman ang bagets sa mga pinaggagagawa ng nanay niya! Iyak lang kasi nang iyak ang panglaban niya, hindi siya lumalaban, kaya ganyan ang nanay niya!

“Ayan, inuupakan siya ngayon sa social media, puro bira ang tinatanggap niya, ipinabibiktima pa nga siya ng mga fans ng anak niya sa gumaganap na killer sa seryeng kasali siya,” napapailing na kuwento ng aming source.

Ubos!

Prince Harry at Sharon Cuneta mas gustong magpaka-normal!

Tinutukan namin sa CNN ang segment tungkol sa pagkabigla ni Queen Elizabeth ng United Kingdom tungkol sa pormal na pagpapaalam ng kanyang apong si Prince Harry na lalabas na sa palasyo ang kanyang pamilya.

Naghahanda na sa paglipat sa Canada ang prinsipe kasama ang kanyang misis na si Meghan Markle at ang kanilang anak na si Archie.

Simple lang ang ibinigay na dahilan ni Prince Harry, gusto na nilang mamuhay ni Meghan nang tahimik, ‘yung malayo sila sa mata ng publiko na lahat na lang ng kanilang kilos ay sinusukat at pinanghihimasukan.

Gusto na nilang mamuhay nang normal, hindi na niya hihintayin pa ang panahon ng kanyang pamumuno sa kanilang balwarte, pang-anim si Prince Harry sa bahagdan ng manunungkulan sa United Kingdom.

Naging malaking palaisipan ang kanyang desisyon, sa panayam ng CNN sa mga taga-UK ay isa lang ang kanilang sinasabi, gutom na gutom na sa kalayaan ang prinsipe.

Handang-handa na niyang iwanan ang posisyong nakatakdang ibigay sa kanya, mas gusto niyang mamasyal kasama ang kanyang pamilya nang walang mga nakasunod-nakasubaybay na guwardiya, isang normal na buhay ang kinasasabikan ng prinsipe.

Minsan nang nagbitiw ng pahayag si Sharon Cuneta na gusto na nitong magkaroon ng normal na buhay. Halos ibinigay na raw ng Megastar ang buong buhay nito sa publiko bilang artista.

Pero mukhang hindi pa ‘yun matutuloy dahil pumirma pa uli ng bagong kontrata sa ABS-CBN ang singer-actress, marami pang gagawing proyekto ang Megastar, hindi pa rin nito iiwanan ang pag-aartista.

Tama ang katwiran ni Prince Harry, minsan lang tayong mabubuhay sa mundo, isang buhay lang ang nakalaan sa bawat tao kaya mas magandang gamitin niya na ang panahon sa paraan kung saan sila magiging masaya ng kanyang pamilya.

At totoong-totoo naman na walang katapat na presyo ang kalayaan at kaligayahan.

YOUNG ACTRESS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with