Kathryn maraming realization sa Iceland vacation nila ni Daniel
SHOWBIZ GANERN! - Gorgy Rula (Pilipino Star Ngayon) - October 10, 2019 - 12:00am

Ang laki talaga ang nagagawa ng travel sa isang relasyon tulad ng bakasyon sa Iceland ng magkasintahang Daniel Padilla at Kathryn Bernardo.

Pabalik na sila ng bansa at bago iyan, ipinost ni Kathryn ang mga realization niya sa mahigit isang linggong bakasyon nila sa Iceland.

Mahaba ang post niya na kung saan sinabi niyang dapat na bigyang halaga ang mga maliliit na bagay.

Sinabi rin ng Kapamilya superstar na hindi naman daw masamang i-spoil ang sarili mo minsan. “It’s called self-love, and you deserve it,” sabi niya.

Sa maraming magagandang tanawin na nasaksihan nila sa Iceland, dapat daw talagang mahalin ang ating kalikasan.

Kaya bilang turista, ginagawa raw nila ang nararapat na gawin para mapangalagaan ito. Hindi dapat abusuhin.

Bahagi ng post niyang iyun; “Years from now, I’d love for my niece and the future generations to still be able to experience and witness the same magical sceneries we just saw.”

Maraming ipinagpasalamat si Kathryn sa sunud-sunod na blessings na dumating sa kanyang buhay, at wala na nga raw siyang mahihiling pa.

Mukhang may pinaplano pa silang isang lugar na pagbabakasyunan.

Bago sila nakabalik ng Maynila ay may walong oras pa silang nag-lay over sa Paris, France kaya nakapag-ikot-ikot pa sila at sumaglit sa Eiffel Tower.

Maganda itong ginagawa nina Daniel at Kathryn dahil dito nila mas lalong nakikilala ang isa’t isa.

Buong suweldo ni Dingdong sinu-surrender kay Marian

Binigyan nina Dingdong Dantes at Marian Rivera ng time ang pagdi-date na sila lang dahil sobrang na-miss nila ang isa’t isa pagkatapos mawala ni Dingdong ng siyam na araw para sa Berlin Marathon 2019 na sinalihan niya.

Kuwento nga ni Marian sa launching ng Walter Mart nung nakarang Martes, nagrereklamo na raw si Zia dahil ang tagal daw niyang hindi nakikita ang Daddy niya.

Pero kung na-miss ni Zia si Dingdong, mas na-miss siyempre ni Marian ang asawa niya, kaya tuwang-tuwa siya nang naisingit daw nilang mag-date nung nakaraang Linggo pagkatapos niyang mag-ninang sa isang kasal.

“Iyun lang yung time natin na mag-date. Kaya meron siyang caption na ‘quick date’ daw kami. Kaya nag-reply naman ako na, aayusin ko yung sche­dule ko kasi talagang humihingi siya na schedule na mag-date kami,” pakli ng Kapuso actress.

Dagdag pang kuwento sa amin ni Marian, tipong traditional pala ang set-up nila sa bahay na lahat ng suweldo ni Dingdong ay ini-entriga sa kanya.

“Yung totoo, binibigay niya sa akin yung suweldo niya,” nakangiti niyang sagot sa tanong naming iyun.

“Siyempre, hindi naman porke’t binibigay niya sa akin lahat ay wala siya. Siyempre meron naman siya. Meron ako, meron kami para sa pamilya. Hindi ko naman tatanggalin na kung ano yung gusto niya at kung ano yung gusto ko may ganun naman kami,” dagdag niyang pahayag.

Si Marian kasi talaga yung typical na housewife na siyang nagpaplano ng budget at sobrang organize raw niya sa ganun.

“Maarte talaga ako eh. Nagsusulat talaga ako. Nakasulat talaga dun ang budget namin sa bahay, kuryente, tubig, mga sa helper lahat-lahat.

“Gustung-gusto ko talaga yun. Wala pa akong asawa mahilig na talaga ako magsulat ng mga ganun.

“Bumibili pa ako ng mga calculator yung sa grocery na ganun yung may papel. Gustung-gusto ko yun,” parang nai-excite pa niyang kuwento sa amin.

Kaya naman bagay na bagay nga siya ng mga produktong pang-misis, lalo na itong Walter Mart na paboritong grocery ng mga misis na kagaya ni Marian.

Kyline sinuportahan ng mga ka-trabaho

Suportado si Kyline Alcantara ng mga kasamahan niya sa Studio 7 na dumalo sa premiere night ng launching movie niyang Black Lipstick na showing na ngayon sa mga sinehan.

Ginanap ang premiere night ng Black Lipstick sa Cinema 2 ng Trinoma na bukod sa mga cast na sina Ms. Snooky Serna, Migo Adecer, Manolo Pedrosa, Kate Valdez at marami pa, dumating din sina Rayver Cruz, Gabbi Garcia, Rocco Nacino at ilang taga-Starstruck.

Kaya thankful si Kyline sa lahat na sumuporta sa kanya lalo na ang fans niyang tinatawag niyang ‘sunflowers’.

Binigyan pala ng Cinema Evaluation Board ng Grade B ang Black Lipstick na sabi ni Snooky, kung nagustuhan daw ang Blusang Itim niya, mas magugustuhan daw itong pelikula nila ni Kyline na may millennial touch.

DANIEL PADILLA KATHRYN BERNARDO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with